Toilet humor ni Jojo Garcia

Ang dapat daw barilin sa ulo, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia, ay ‘yung mga journalists na nagsusulat ng pangit na balita tungkol sa kanyang tanggapan.

Nang mapansin niyang nairita ang mga reporters sa pahayag niya, mabilis siyang kumambyo at sinabing “joke lang” ito.  May tinuran siya na mga negatibong balita tung­kulin sa MMDA sa harap ng mga mamamahayag. Aniya, ang mga sumusulat ng ganitong balita ay dapat maging target ng PNP sa kanilang Oplan Tokhang.

Alam kong hindi joke ang sinabi ni Garcia kundi bunga marahil ng kanyang pagkabanas sa mga sumu­sulat ng negatibong balita tungkol sa MMDA. Pero kung totoo ng nagpapatawa lang siya, napakabantot ng kan­yang joke. Iyan ang tinatawag na toilet humor.

Mabutibuti pa ang sick joke dahil puwedeng gamutin sa ospital. Pero ang toilet joke, dapat agad i-flush sa inidoro! Hindi naman idinetalye ni Garcia kung sinu-sino ang mga nagsusulat ng ganoong balita na hindi niya nagustuhan. Kahit si Usec. Joel Egco, Director ng Presidential Task Force on Media Security ay tinawag ang pa­hayag ni Garcia na “horrible joke.”

Sinabi pa ni Garcia, gusto niyang gamitin ang kan­yang kalibre 45 na baril. Ah, galit nga siya. Kung tutu­usin, ang ganyan katinding pahayag, sabihin mang pagbibiro ay puwedeng ituring na grave threat. E, ‘yun ngang magbiro ka ng may bomba sa MRT o LRT ay puwede ka nang kasuhan, ‘yun pa kayang sabihing dapat barilin ang mga nagsusulat ng negative news?

Show comments