Tinakot (Huling bahagi)

SA desisyon ng korte, napatunayan na nagkasala si Marta base sa malinaw na salaysay ng tatlong bata dahil sa ginawa niyang pag-amba sa kanila ng itak at pagmumura na naging dahilan ng matinding takot ng tatlo at dahil sa nangyari ay napilitan pa sila na lumipat ng tirahan. Kinatigan ng Court of Appeals ang hatol.

Pero ayon sa Supreme Court, medyo tama lang ang RTC at CA. Nagkamali raw sa pagsuri ng katotohanan ang hukuman. Sa kaso raw kasi ng child abuse na pinarurusahan sa RA 7610, ang anumang kilos o salita ay dapat na yumurak sa dignidad, pagkatao o halaga ng bata sa paraan na nabawasan ang kalidad, kalinisan o kaya ay nakabawas sa estado, kondisyon, reputasyon o karakter ng bata.

Sa kasong ito, ang pagsigaw o pagmumura ni Marta sa tatlong batang lalaki ay hindi humantong sa child abuse dahil wala siyang layunin na bawasan ang importansiya o dignidad ng tatlo. Ang pagmumura niya ay bunsod lang ng ginawang pamamato sa kanya ng  tatlong bata ng mga pakete ng ketsup  pero ang puntirya talaga ay ang anak niyang si Pacing. Nainis lang at nagalit si Marta kaya napamura at ininsulto ang pasaway na mga bata. Hindi napatunayan ng prosekusyon na intensiyon ni Marta na tapakan o insultuhin ang pagkatao ng mga biktima. Ang kanyang pananakot at insulto ay dala lang ng inis.

Idagdag pa na ang aktuwasyon ni Marta, ang akmang pagtaga ng itak pati ang malulutong na mura na binanggit ng babae ay patungkol lahat kay Dina na nanay ng tatlong bata. Kaya hindi puwedeng parusahan si Marta sa ilalim ng RA 7610.

Iyon nga lang, ang salita ni Marta na bunsod ng galit laban sa tatlong bata ay lumikha ng trauma sa kanila. Kaya nga hindi na sila bumaba pa dahil sa isipin na ipalalapa sila ni Marta sa aso nito at dapat ituring na simpleng pananakot. Sa ilalim ng batas (Art.285, par. 2, RPC), pinarurusahan ito ng 10 araw na kulong at pinagbabayad ng danyos (Escolano vs People, G.R. 226991, December 10, 2018).

Show comments