Disiplina at pagkakaisa: Depensa laban sa COVID-19

Ito ang simula ng aking pagsusulat sa Pilipino Star NGAYON at nais kong gamitin ang pagkakataon na ito upang pasalamatan ang ating mga matatapang, masisipag at mapagkawanggawang frontliners. Hindi matatawaran ang kanilang pagod, hirap at sakripisyo. Sila ang mga tunay na bayani laban sa COVID-19 pandemic.

* * *

Sa gitna ng isang pandemya, ang hamon sa aming mga nanunungkulan ay ito: Ano ang dapat at maaari naming gawin upang tiyakin ang kaligtasan ninyo? Hanggang wala pang bakuna, ang pangunahin naming tungkulin ay tulungan kayong malampasan ang pandemya (pagkain, gamot at tulong pinansiyal) at ang paulit-ulit na paalala: Disiplina at ibayong pag-iingat ang kailangan. Sumunod sa mga alituntunin na magsuot ng mask, maghugas ng kamay at mag-social distancing dahil dito nakasalalay ang ating kaligtasan o kapahamakan.

* * *

Kamakailan, inilunsad namin sa Makati ang libreng bakuna laban sa flu at pneumonia. At para mabawasan ang physical contact, ginawa rin naming online ang pagpaparehistro para sa bakuna. Pagkatapos magrehistro gamit ang kanilang Yellow Card at BLU Card number, pupuntahan sila ng mga taga-Health Department ng City Hall sa kanilang mga bahay para bakunahan. Hindi na kailangang lumabas ng bahay, kaya bawas ng takot na magka-COVID.

Una nang binigyan ng flu shots ang aming mga doktor, nars, at ibang frontliners at essential workers. Sa Agosto naman ang kanilang pneumonia shots. Bukod ito sa libreng supply ng Vitamin C at B-Complex na aming sinimulang ibigay sa kanila sa simula ng enhanced         community quarantine sa Metro Manila. Hindi biro ang ginagawa nila sa araw-araw. Sila ang humaharap at patuloy na nagserserbisyo kahit may pandemya, kaya obligasyon namin na tiyakin na sila ay ligtas at malusog.

Ngunit may mas mahalaga sa bakuna at vitamins. Ito ay ang pakikiisa ng mga mamamayan. Sa amin, ang disiplina at bayanihan ng Makatizens. Ginagawa naming lahat upang tiyakin ang kanilang kaligtasan sa gitna ng isang pandemya kung saan wala pang katiyakan ang lunas o katapusan. Ang hiling lang namin, pagsunod sa batas at sa mga regulasyon. Kung kailangang lumabas, magsuot ng face mask, laging maghugas ng kamay, at dumistansiya sa ibang tao.

Malaki ang hamon na dala ng COVID-19, ngunit buo ang aking pananalig na makaaahon din tayo. Panalangin, disiplina, pagkakaisa, pagtalima. Ito ang kailangan ng bawat isa.

Show comments