Walang katapusan ang misyon (Una sa 2 bahagi)

Walang duda na kontrobersiyal at nakapagtataka ang pagbasura sa batas na may panukalang palawigin sana ang prangkisa (franchise renewal) ng ABS-CBN para ipagpatuloy nito ang operasyon bilang isang istasyon ng telebisyon sa ating bansa.

Una, ang resolusyon na tinatanggihan na bigyan ng renewal ng franchise ang ABS-CBN ay aprubado ng pitumpung miyembro (70) ng Legislative Franchise Committee ng Kongreso at base lamang sa rekomendasyon ng isang Technical Working Group. Pero makikita naman na taliwas ang rekomendasyon sa katotohanang napatuna-yan sa may labindalawang pagdinig ng komite.  Ang hindi maitatangging ebidensiya ay nakasunod ang ABS-CBN sa lahat ng umiiral na batas tungkol sa pagmamay-ari ng kompanya, pagbabayad ng tamang buwis, pagsunod sa mga probisyon para sa manggagawa (labor laws) at iba pang kondisyones ng prangkisa. Sa kabilang banda, ang pagtanggi na palawigin ang prangkisa ng kompanya ay base lang sa mga akusasyon at opinyon ng ilan sa mga kongresista na miyembro ng komite tulad nina Marcoleta, Defensor, Remulla at Barzaga. Walang konkretong ebidensiya na inihain para suportahan ang kanilang mga paratang. Sa aking palagay ay halatang walang basehan ang 40 pahina na rekomendasyon ng TWG.

Mas masaklap pa rito ay ang koneksyon ng pagbasura ng komite sa panukalang franchise renewal at ang hindi maitatangging panggigipit mula sa Malacañang. Naisantabi ang hiwalay na kapangyarihan ng Kongreso bilang isang sangay ng ating gobyerno. Si Duterte mismo ang umamin sa isang talumpati niya sa Jolo, Sulu na nagawa niyang tanggalin ang oligarkiya sa bansa. Ang sinabi niya ay patungkol sa ABS-CBN. Ang ABS-CBN at mga may-ari nito ay hindi dapat ituring na “oligarchs”. Hindi sila kasapi sa isang grupo ng mga negosyante na ginagamit ang kanilang impluwensiya o political clout para sa ikauunlad ng kanilang negosyo o interes. Katunayan ay tumutulong pa nga sila sa mga mahihirap sa lipunan at sa mga biktima ng kalamidad.

Pinakamatindi rito, ang aksyon para tanggihan ang pagbibigay ng panibagong 25 taon na prangkisa sa ABS-CBN ay ginawa lang sa lebel ng komite. May 70 miyembro lang ng komite ng Kongreso ang bumoto base sa kung ano ang nakalatag sa mesa. Hindi man lang ito isinangguni para kumpirmahin ng buong Kongreso alinsunod sa ating Saligang Batas (Sec. 24, Article VI). Ang buong Kongreso dapat ang bumoto para aprubahan o ibasura sa plenaryo ang resolusyon patungkol sa franchise renewal ng ABS-CBN at hindi lang ang 70 miyembro. Walang naging pagsunod sa tamang proseso ng kasong ito. Dapat gumawa ng paraan ang ating mga lider at miyembro ng Kongreso para itama ang proseso sa pamamagitan ng pagsasalang nito sa plenaryo para pabigyan ng karapatan ang lahat na bumoto.

Kung sakali naman at tama ang prosesong sinunod ng komite o kaya ay kumilos ang Kongreso at kumpirmahin sa plenaryo ang rekomendasyon na huwag bigyan ng franchise renewal ang ABS-CBN, 75% pa rin ng mga Filipino ang naniniwala na hindi patas at hindi parehas kundi pagsakop ng karapatan ng malayang pamamahayag ang nangyari. Kaya alinsunod sa mga prinsipyo ng isang demokratikong republika kung saan namamahay sa mga tao ang karapatan patungkol sa initiative at referendum, maaaring direktang kumilos ang mga mamamayan para lumikha, aprubahan o tutulan ang isang aksyon, batas o parte nito na ipinasa ng Kongreso o ng lokal na pamahalaan.

(Itutuloy)

Show comments