Pangatlong problema: Trabaho

Ayon sa datos ng National Economic Development Authority (NEDA), tumaas ng higit 17 percent ang bilang ng mga walang trabaho noong Abril, pinakamataas sa loob ng 17 taon. Pero hindi ito dahil mahina ang ekonomiya. Bunsod ito ng naganap na mahigpit na quarantine na nagsimula sa gitna ng Marso.

Higit dalawang buwan sumailalim ang bansa sa ECQ, particular ang Metro Manila. Dahil napilitang magsara ang maraming negosyo at pabrika, natural mara­ming nawalan ng trabaho. Hindi lahat ng kompanya ay naipagpatuloy ang pagbibigay ng sahod kahit walang negosyo o opisina.

Isinailalim sa mas maluwag na GCQ ang Metro Manila noong Hunyo 1. Ayon sa mga eksperto, mababawasan daw ang bilang ng mga walang trabaho dahil mag­bubukas muli ang mga negosyo at pabrika. Kung nakapagbukas pa lahat. Maraming negosyo ang napilitang magsara na lang sa laki ng nawala sa kanila noong quarantine.

Pero may tiwala ang NEDA at ang Department of Finance na makakabawi ang bansa sa pagkakaroon ng trabaho para sa mamamayan ngayong GCQ na. May mga nagsasabi na makakabawi rin ang ekonomiya ng bansa sa susunod na taon.

Hindi rin lubusang mawawala ang problema ng mga empleyado’t trabahador kung hindi masosolusyunan ang kakulangan ng pampublikong transportasyon. Sa Hunyo 21 ang pangalawang yugtong pagbalik ng pampublikong transportasyon, pero hindi pa rin papayagan ang mga karaniwang jeepney.

Hindi ko alam kung ano ang gagawin ng mga ahensiya ng gobyerno tungkol sa problemang ito dahil nagpahayag na sila na hindi nila makita ang pagbalik ng mga karaniwang jeepney sa ganitong sitwasyon.

At nandyan pa rin ang babala at peligro ng COVID-19. Noong Hunyo 1, nagdagsaan ang mga nais iparehistro angkanilang sasakyan sa mga tanggapan ng LTO. Pero dalawang araw pa lamang ay sinara na muna ang limang tanggapan sa Metro Manila dahil sa nagpositibong mga empleyado sa rapid testing. Hindi ako magtataka kung kumalat nga dahil sa dami ng mga tao sa LTO. Dumadami na rin ang mga nagpupunta sa mga mall.

Nakasalalay nga ang ekonomiya at trabaho ng Pilipino sa sitwasyon ng COVID-19. Nasa 26,420 na ang bilang ng kaso, higit 1,000 na ang namatay. Nagkakaroon na ba ng “flattening of the curve”? Hangga’t walang bakuna, hindi natin masasabi ng katiyakan. Inaabangan din ang pahayag mula sa Palasyo kung ano ang susunod na hakbang para sa Metro Manila at buong bansa hinggil sa quarantine.

Show comments