Balik-Probinsya

Matagal nang ideya ang pagpapabalik sa mga taong nasa Metro Manila sa kani-kanilang mga lalawigan. Ito’y sa layuning magkaroon ng balanseng pagpapaunlad sa bawat rehiyon ng bansa. Makakabawas din ito sa problema sa mga informal settlers o squatters na karaniwang binubuo ng mga taong lumuwas sa Maynila para maghanap ng kabuhayan.

Marami nang programang inilunsad ang bawat administrasyon mula pa noong panahon ni Marcos pero pawang nangabigo. Palibhasa, sadyang nakatatak sa isip ng maraming tao na ang Metro Manila ay lugar na kinaroroonan ng mabuting kapalaran. Kaya hanggang ngayon, hindi masawata ang pagdami ng mga squatters sa Metro Manila na kinukunsinti ng maraming politiko porke dagdag na boto para sa kanila sa panahon ng eleksyon.

Kung nagtagumpay lang sana ang magandang programang ito, mas madali marahil mapapangasiwaan ang pagpigil sa paglaganap ng COVID-19 na ang karaniwang sinasalanta ay mga congested areas o yung kinaroroonan ng mga squatters.

May pinagtibay nang kautusan si Presidente Rodrigo Duterte kaugnay ng Balik-Probinsya, Bagong Pag-asa Program, na ang layunin ay mabawasan ang populasyon sa Metro Manila at pasiglahin  ang kaunlaran ng bawat rehiyon sa bansa.

 Isa pang bentahe nito ay hindi na kailangang tumawid pa ng ibang bayan ang mga manggagawa dahil doon na mismo sa kanilang mga lalawigan sila magtatrabaho. Dahil sa ipinatupad na lockdown, maraming kababayan tayo na nagtatrabaho sa Metro Manila ang hindi na nakabalik sa kanilang mga residente na nasa ibang lalawigan. Sana, ang aral na ito ay maging dahilan para maipatupad na ang programang ito.

Show comments