Cease the Disease dapat hindi Cease and Desist

Nakalulungkot na nagpalabas na ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission (NTC) para itigil na ng ABS-CBN ang lahat ng operasyon nito sa radio at television dahil napaso na ang 25-taong prangkisa nito na hindi pa nare-renew ng Kongreso. Immediately executory and kautusan kaya wala na sa ere ang lahat ng himpilan ng radio at television ng naturang network.

Sa ganang akin at sa maraming mamamayang tumatangkilik sa ABS-CBN, hindi “cease and desist” ang kailangan kundi “cease the disease” sa harap ng luma­lalang pandemya sa COVID-19. Malaki at importanteng papel ang ginagampanan ng network, hindi lamang sa paghahatid ng balita kaugnay ng mga development sa pandemic kundi sa paghahatid na rin ng tulong sa taumbayan sa panahon ng lockdown.

Sa kabila ng ipinakikitang suporta ng Kongreso at maging ng Department of Justice sa pagpapatuloy ng operasyon ng network, nangyari pa rin ang pinanga-ngambahan kaya simula kagabi, wala na sa himpapawid ang ABS-CBN. Pero bakit nangyari ito?

Sa hearing ng Kongreso bago pa ang COVID pandemic, nangako ang NTC na ibibigay nito ang provisional permit to operate ng network habang nakapending pa ang pagpasa sa renewal ng prangkisa nito. Kaya naman sinabi ng House of Representative na ipako-contempt nila ang NTC at pagpapaliwanaging kung bakit sa halip na provisional permit ang ipalabas ay isang cease and desist order.

Nadaig ni Solicitor General Calida ang Kongreso at Department of Justice dahil binalaan ang NTC na kakasuhan kapag ibinigay ang hinihiling na provisional permit to operate sa ABS-CBN. Iyan naman kasi ang gusto ng Pangulong Duterte na batid na ng lahat. Na maglaho na ang ABS-CBN. Puwede niyang sabihing wala siyang kinalaman sa aksyon ni Calida pero alam na nating lahat ang katotohanan.

Show comments