Dapat bang pahabain ang lockdown?

Habang sinusulat ang kolum na ito, 3,094 na ang positibo sa COVID-19, 144 na ang namatay at 57 ang nakarekober. Iyan ang opisyal na tala mula sa DOH, Abril 4, 2020. Ito ang problema sa bansang tulad natin na maraming mahihirap. Isabay pa ang kakulangan ng pangtesting ng virus. Hindi pa talaga malalaman kung gaano na kaseryoso ang sitwasyon sa Pilipinas kung iilan lang ang matetesting. Tiyak higit pa ang taas ng bilang. At kahit dumating na ang mga donasyong test kits mula sa iba’t ibang bansa, hindi ito sapat. Kung tumataas ang mga nagkakasakit, paano tatanggalin ang lockdown? Dito nagsisimula ang usapan sa extension.  Ayon kay Inter-agency Task Force for the Ma-nagement of Emerging Infectious Diseases spokesperson Sec. Karlo Nograles, wala raw katotohanan na palalawigin ang enhanced community quarantine. Ayon kay Nograles, matatapos ang ECQ sa Abril 13. Pero paano kung iba ang plano ng kinamumuhiang COVID-19?

Kung dumoble ang dami ng mga nahahawa sa virus, baka ganun na nga ang mangyari. Pero ang masakit na katotohanan: Magdadalawang linggo pa lang ang ECQ ay napakabigat na ang buhay para sa mamamayan, pati na rin ang dagok sa ekonomiya. Ayon sa pinuno ng Bo Negosyo na si Joey Concepcion, ang tatamaan nang husto ay mga micro, small, medium enterprises (MSME). Kapag natapos   ang lockdown, kailangan nilang humiram ulit ng pera sa mga banko para makabangon. Pero magpapahiram ba ang mga banko? Wala pa sa usapan ang mga nagtitinda ng balut, fishball, mga nasa talipapa na dito kinukuha ang ikinabubuhay.

Tinatamaan din ang mga arawan ang suweldo. Sa ngayon, ginagawa ng mga kompanya ang kanilang kakayanin sa pagbibigay ng sahod. Pero hindi ito magtatagal, kung walang pumapasok na pera. Nagkakaproblema rin ang ilang LGU sa pagbigay ng relief packs. Mukhang hindi rin kakayanin ng gobyerno ang matagalang pagbigay ng ayuda. Ano ang mangyayari kung tuloy na walang kinikita at makain? Hindi ba’t gulo at krimen? Ang solusyon ay ang pagpigil sa pagkalat ng COVID-19. Ang tanging magagawa ay manatili sa tahanan. Lumabas lang para sa mga pangunahing pangangailangan. Kakayanin at malalampasan ito kung susunod sa mga alituntunin.

Show comments