Manatili sa tahanan

HABANG lumalawig ang ipinatutupad na home quaran­tine, marami pa rin ang pasaway sa mga kababayan natin. Naiinip na kasi sila sa kanilang mga tahanan bu­kod pa riyan ang takot sa kawalan ng panggastos. Kung kaya nagpupumilit ang ilan nating mga pasaway na kababayan sa paglabas ng kanilang mga tahanan upang maghanap ng pagkakakitaan na pambili ng pagkain. Kaya super higpit ang ginagawa ng kapulisan at kasundaluhan sa checkpoint para mapigilan ang mga pa­­saway.

Samantala, ilang llugar sa Metro Manila ang nakaranas nang pagmamalupit ng kapulisan matapos lumabag ang ilang kababayan sa paglabas ng kanilang mga taha­nan. Tumutupad lamang ang kapulisan sa atas ng kanilang nakakataas na opisyal kaya hindi natin sila masisisi. Kung tutuusin maging sa kanilang hanay ay may na­matay na rin dahil sa COVID-19. Kaya ang mabuti ay mag­lagi na lamang tayo sa ating mga tahanan para makaiwas sa virus.

Kung super higpit sa Metro Manila ngayon, mas mahig­pit sa Western Visayas sa pagpapatupad ng home qua­rantine. Bawat barangay roon ay hindi basta-basta ma­kakapasok ang mga bisita at ang mga residente ay hindi pinalalabas ng bahay. Ang lumabag ay magmumulta ng P5 hanggang P10k. Tanging mga kaba­taan lamang (1 miyembro ng pamilya) ang puwedeng lumabas ng bahay at ang mga senior citizen ay hindi puwedeng lumabas ng bahay.

Tama ang paghihigpit ng local government units dahil kapag may kinapitan sa lugar ay tiyak na kakalat ang sakit. At mahirap pagnangyari ito, dahil kapos sa pasilidad ang mga ospital. Kaya mga suki, kaunting tiis na lang. Sumunod sa home quarantine para hindi na kumalat ang CO­VID-19. Manatili sa loob ng mga tahanan para makaligtas.

Show comments