Bayaning doctor ng China

MAITUTURING na bayani ng China si Dr. Li Wenliang, ang doktor na unang nagbabala sa pagsulpot ng isang sakit na masahol pa sa SARS, at ito nga ang novel coronavirus o nCoV.

Hindi minabuti ng pamahalaan ng China ang pahayag ni Li na itinuring na isang pagkakalat ng tsismis kung kaya ipinaaresto siya at kinasuhan. Pero nagkatotoo ang kanyang prediksyon. Ngayon, ang buong daigdig ay natataranta dahil sa mabilis na pagkalat ng bagong uri ng mikrobyo sa buong daigdig.

Patay na si Dr. Li sa ngayon at ang dahilan ng kanyang pagpanaw ay ang mismong karamdamang hinulaan niyang susulpot. Nagluluksa ang marami sa kanyang pagkamatay at nagkakaisa sa paghahayag sa social media ang mga neti­zens na si Li ay isang bayani.

May aral na mapupulot dito ang ating gobyerno. Hindi lahat ng pagtuligsa sa pamahalaan ay naglalayong manira at ang anumang negatibong komento ay dapat pag-isipan at gawing batayan sa implementasyon ng mga kailangang reporma.

Kung pinaniwalan sana ng pamahalaan ng China ang babala ni Li, disin sana ay nakagawa ito ng kailangang pag­hahanda para mapigilan ang pagkalat ng nCoV. Kaso, sa halip bigyan ng benefit of the doubt ang doktor, agad siyang itinuring na nagkakalat ng mapanirang tsismis.

Nangyari na iyan at hindi na puwedeng ituwid ang pagkakamali. Sana lang natuto na ang China upang hindi na ito maulit.

Angkop na ituring si Li na isang bayani kung ikukunsi­dera ang bigat ng persecution sa kanya ng sarili niyang pamahalaan na ngayo’y nagkukumahog sa pagtuklas ng lunas sa karamdamang nadaig pa ang death toll ng SARS.

Show comments