PCG, tuparin n’yo ang pangako!

BILANG mga investigative journalist, tungkulin ng BITAG na magbigay ng update sa mga isyu at reklamong tina­trabaho namin. Hindi kami nakakalimot sa mga trabahong inumpisahan namin, lagi itong may solusyon at resolusyon.

Matatandaan ‘yung red plate vehicle na naaktuhan ng BITAG na namik-ap ng babae sa may Quezon Ave. Nakapangalan ang Toyota Innova na may pulang plaka SJB 358 sa Philippine Coast Guard (PCG) kung saan nag-check-in pa ang driver nito sa isang apartelle sa may Que­zon City.

Nobyembre 2019 pa kami nakipag-ugnayan sa PCG at awa ng Diyos, sumagot sila ngayong Pebrero 2020.  Sa interview na isinagawa ng mga BITAG investigators kay PCG Spokesperson, Armand Balilo, naaksiyunan na raw nila ito.

Dismayado raw ang pamunuan ng PCG kaya agad binigyan ng indefinite suspension without pay ang emple­yadong aming naaktuhan. Ayon kay Capt. Balilo, isang uni­formed personnel ang nagmamaneho noong gabing iyon.

Galing daw ito sa isang misyon at matapos ihatid ang amo ay saka nito ginawa ang kabulastugan. Nilabag daw ng kanilang personnel ang parameters ng PCG tulad ng trip ticket at mission slip sa paggamit ng sasakyan ng ahen­siya.

Nang tanungin ng BITAG kung sino ang empleyadong ito, hindi pa raw nila mapapangalanan dahil under investi­gation pa ito. 

Nangako rin ang PCG na pagsasabihan ang kanilang mga personnel lalo na ang mga baguhan sa tamang pag­gamit ng sasakyan ng gobyerno upang hindi na ito maulit.

Sa totoo lang, hindi ako kumbinsido sa sagot ng PCG. Trabaho namin at karapatan naman ng publikong malaman ang “buong” katotohanan sa isyung ito.

Kahapon, sa aking programang BITAG Live ay muli kong tinawagan si Capt. Balilo. Bagamat sinabi niyang hindi kinukunsinti ng ahensiya ang ginawa ng kanilang empleyado, hindi pa rin niya maibibigay ang pangalan sa amin.

Ang dahilan, hindi niya pa raw kilala kung sino ang PCG personnel na ito dahil ang investigating unit ng ahensiya ang umaksiyon sa isyu.  Ibibigay niya raw kaagad ang pangalan ng empleyado oras na makuha na niya ito.

Hmmm, mukhang may mali. Pero sige, dahil nangako ka at nirerespeto namin ang inyong proseso, malugod kaming maghihintay sa BITAG. Kaibigan ka namin sa PCG, pero walang personalan, trabaho lang.

Show comments