Mga aral mula sa Taal evacuation at rehab

Iba-iba ang antas ng pag-forecast ng sakuna. Tiyak ang sunog sa mga siksikang bahayan na de-kandila ang ilaw. Nata-track ang bilis, saklaw, hangin, taglay na ulan ng bagyo, at oras ng tama sa pook. Alam pati kung saan mag­ka­­kabaha at landslide dahil sa bigat ng ulan. Natatantiya ang sabog ng bulkan batay sa pagbulto ng magma, usok, uga, at pagbitak ng lupa. Hindi matiyak ang lindol, lakas at lawak, o kung magbubunsod ng tsunami, miski alam ng scientists ang fault lines.

Kapupulutan nang maraming aral ang evacuations nitong mga nakaraang sakuna. Ang mga binagyo o linindol ay walang magagawa kundi magtiyaga sa evacuation centers o makitira sa kakilala kung nawasak ang mga bahay. Sa Taal Volcano eruption noong Enero walang namatay at konti ang nagibang bahay dahil ash fall at singaw ng steam lang. Pero tulad ng sa bagyo at lindol, in-evacuate ang 30,000 pamilya at naburyon sila sa mga pinag­lipatan.

Bagama’t dumagsa ang tulong -- nagkatrapik sa highways sa Batangas sa rami ng sasakyan ng donasyong pag­kain, gamot, kumot, damit, atbp -- naburyon ang eva­cuees. May mga na-video na pumuslit para mangisda sa Taal Lake, miski ipinagbawal. May mag-asawang senior na nagsabi sa pulis na “barilin niyo na lang kami” dahil ayaw pabalikin sa na-lockdown na baryo para kaunin ang naiwang aso. May vice mayor na tinuya pa ang volcanologists at nagbantang pauwiin ang evacuees na anihin ang mga tanim at fishponds, samsamin ang mga alagang hayop, at maglinis ng mga bahay. Aba’y natural na nais nila umuwi para man lang makapag-banyo nang tahimik, at makalayo maski sandali sa siksikang evacuation centers.

Kailangan ng permanenteng evacuation buildings sa lahat ng bayan, para hindi naaabala ang schoolhouses­. Bilisan magtayo ng alternatibong bahayan. Ibawal manirahan sa permanent danger zones. At tiyakin ang psycho­logical counseling ng mga nasalanta, lalo na bata.

Show comments