Kahinaan sa Reading, Math, Science nabatid
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - January 20, 2020 - 12:00am

Mabuti’t isinali ni Education Sec. Leonor Briones ang mga estudyante natin sa huling Programme for International Student Assessment nu’ng 2018. Kundi’y mangmang tayo sa katotohanan -- na sa 79 na maya­yaman at medium-income na bansa, pinaka-kulelat ang mga 15 anyos natin sa Reading, at pangalawang kulelat sa Math at Science. Pinaka-mataas sa 600,000 nag-exam na 15 anyos ang China at Singapore; ika-72 ang Indonesia; nalamangan lang ng Pilipinas ang Dominican Republic.

Lumitaw na apat sa bawat limang Pilipinong ineksamen ay hindi naiintindihan ang binasang pangungusap o artikulo sa Inggles. Mas konti pa ang nakakapag-likha ng ideya batay sa binasa. At dahil dito mahina rin ang paggagap nila ng Math at Science. Ibig sabihin, hindi nila kakayaning maging epektibo at produktibo sa araw-araw na buhay. Ngayong alam na natin ang resulta ng tatlong-taunang PISA, matutunton natin kung bakit nagkaganoon ang kabataan natin -- para masolusyonan.

Hindi ito dala ng Kindergarten-to-Grade 12 curriculum, na nagdagdag ng Kinder at dalawang taon sa basic education. Limang taon pa lang ang K-to-12, ani executive director Love Basillote ng Philippine Business for Education. Samantala, ang kahinaan sa reading comprehension ng mga 15 anyos ay epekto ng maling pagtuturo nu’ng Grades 1, 2, at 3 pa sila. Nagiging conveyor belt ang sistemang edukasyon: ipinapasá na lang ang bawat grade miski mapurol pa para lang magkapuwang na classroom sa mga bagong papasok pang bata.

Hindi rin ‘yon dahil sa bilingual medium of instruction sa Grades 1, 2, at 3. Napatunayan na sa buong mundo na mas naiintindihan ng bata ang tinuturo sa early school age kung ito’y sa wikang kinagisnan niya sa bahay: Tagalog, Ilokano, Pangasinan, Pampango, Bikolano, Bisaya, Waray, Ilonggo, Tausug, Maranao, Maguindanao, Subanon, atbp. Pero kung wala namang instructional materials sa gan’ung mga katutubong wika, puro Inggles agad, walang pangturo ang mga guro. (Itutuloy bukas)

EDUKASYON LEONOR BRIONES
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with