Matang agila kontra korapsyon

TALAS ng pakiramdam at matang kagaya ng sa agila. Iyan ang kailangan para masupil ang korapsyon. Sa Kamara de Representante, sa palagay ko’y mahirap nang makalusot ang ano mang iregularidad o korap­syon sa liderato ni Speaker Alan Peter Cayetano. Determinado si Cayetano na ang unang General Appropriations Bill (GAB) sa kanyang Speakership ay walang ko­rap­syon, walang “pork barrel” at walang “parking” ng pondo. 

Aniya, hindi nya papayagan ang anumang ilegal na insertion sa GAB. Wala ring mga kaduda-dudang “parking” ng pondo o lump sum sa budget na hindi naka­detalye ang gamit o naka-“parada” sa isang distrito, para gamitin sa ibang proyekto o distrito ng ibang kongresista. 

Sa budget briefing ng Department of Public Works and Highways (DPWH), si Cayetano mismo ang nag-usisa kay Secretary Mark Villar: May nakatago bang pork sa proposed na budget ng departamento, o kung may naka-park bang pondo dito? Ani Villar, wala. Kama­kailan, nakakuha rin ng commitment si Cayetano mula sa ibang mambabatas na ang 2020 budget ay susuriing mabuti at hindi na maaantala tulad ng nangyari sa 2019 budget. Dapat lang.

Alam natin ang nangyari sa 2019 budget. Naantala ang pagpasa nito sa Kongreso kaya naudlot din ang mga proyekto ng pamahalaan. 

May ilan ding proyekto ng DPWH na nagkakahalaga ng P95.37 billion ang na-veto ni Pangulong Duterte sa 2019 budget. Ika nya, hindi niya papayagan ang korap­syon sa kanyang administrasyon. 

Ayaw nang maulit ni Cayetano ang nangyari. Nang magkaroon ng di-pagkakaunawaan sina Deputy Speaker LRay Villafuerte at Davao City Rep. Isidro Ungab, ang chairman ng House appropriations committee, umaksyon si Cayetano. Kung matatandaan, binawi ni Villafuerte ang pagkakasumite ng 2020 General Appropriations Bill  sa plenaryo dahil kasalukuyan pa daw nagsasagawa ng budget briefings sa appropriations committee. Sinabi naman ni Ungab na ang pagsumite ng GAB sa plenaryo matapos na ibigay ng Malacanang ang proposed budget nito ang tamang patakaran na dapat sundin. 

Matapos ang meeting, ipinahayag ni Cayetano na tapos na at wala ng dapat pag-usapan sa isyu, at ang budget ay masusing pag-aaralan at hindi maaantala. Nagrequest siya sa lahat ng government agencies na magsumite ng mga presentations ng kani-kanilang budget proposal bago mag-alas singko ng hapon ng Setyembre 3. 

Pagkatapos mamagitan si Speaker, wala nang narinig na anupaman hinggil sa isyu mula kay Villafuerte at Ungab. Ang mabilis na aksyon ni Cayetano sa gusot ang nagpatunay na kaya niyang panatilihing maayos ang Kamara de Representante sa ilalim ng kanyang pamamahala. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nananatiling nagkakaisa ang Kamara na tulungan ang Pangulo na matupad ang kanyang adhikain na ligtas at maginhawang buhay para sa bawat Pilipino. 

Show comments