EDITORYAL - Linisin ang PCSO

SAMPUNG opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na sangkot sa corruption ang papangalanan na umano ni Presidente Duterte. Hindi sinabi ng Presidente kung kailan ihahayag ang 10 korap sa PCSO pero sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na sa lalong mada­ling panahon ay papangalanan ang mga ito. Ang 10 opisyal na sangkot sa corruption ang dahilan kaya sinuspinde ang operasyon ng lahat ng games na pinatatakbo ng PCSO. Inalis ang suspension noong Lunes ng gabi subalit ang lotto lamang ang pinayagang makapag-draw. Ang larong Keno at mga laro sa ilalim ng franchise na STL at Peryahan ng Bayan ay nanatili pa ring suspendido. Umano’y sa mga nabanggit na laro nakitaan nang malawakang corruption kaya hindi pa pinapayagang maipagpatuloy ang laro.

Nararapat pangalanan ang mga sangkot na opis­yal ng PCSO para malaman ng taumbayan ang mga nagpapahirap dito. Karapatang mabatid ang mga nasa likod nang nangyayaring katiwalian at nararapat lamang na maparusahan ang mga ito. Hindi sapat ang alisin sa puwesto. Kapag inalis lamang sa puwesto ay tiyak na maghahagalpakan ang mga ito sapagkat nakapagnakaw na sila ng limpak. Hindi makatwiran na sisibakin lang ang mga nagnakaw sa kaban ng bansa. Ang PCSO ang pinagkukunan ng pondo para sa Universal Health Care ng pamahalaan. Nararapat mabulok sa bilangguan ang mga kumulimbat sa pondo ng PCSO.

Ang mga itinuturong nasa likod ng corruption ay mga retiradong opisyal ng AFP at PNP. Kung paano nila nagagawang nakawan ang PCSO ay kasalukuyan pang iniimbestigahan. Sabi naman ni Sen. Panfilo­ Lacson, nakokorner ng mga retired AFP at PNP offi­cials ang franchise ng Small Town Lottery. Sa halip na sa kaban ng gobyerno mapunta ang kita ng STL, sa bulsa ng mga retirado nasusiyut.

Massive corruption. Malawakang katiwalian sa PCSO. Ito ang sinabi ng Presidente noong naka­raang linggo kaya iniutos ang ura-uradang operas­yon ng PCSO. Sana, ganap na mawalis ang katiwa­lian sa nasabing tanggapan. Ituloy ang paglilinis sa maruming PCSO.     

Show comments