Mga kumpiskadong alahas ni Imelda

TATLONG tumpok ang mga alahas ni dating first lady Imelda Marcos, batay sa talaan ng Sandiganbayan. Kum­pis­kado lahat ng gobyerno.

Una ang tinaguriang “Hawaii collection”, na ipinasusu­basta ni President Rody Duterte. Halagang P704-milyon ngayon, ito’y mga kuwintas, hikaw, singsing, relos, brooch at pendant. Isiningit ang mga ginto, pilak at bato sa maleta nang lisanin ang Malacañang nu’ng kasagsagan ng 1986 People Power Revolution. Kasama rito ang katangi-tanging pink diamond, $5-milyon (P250 milyon), pag-aari ng sina­unang Indian mogul emperor. Kinumpiska ito ng US Customs pag-landing nina Imelda at Ferdinand Marcos sa Hawaii, tapos isinoli sa Pilipinas. Kasamang nakuha ay dalawang kahon nila ng mga stock certificates, titulo ng lupa, cash, bonds at baril -- halagang P1.2-bilyon. Labis-labis ang halaga ng mga ari-arian sa legal na suweldo nina Marcos mula 1965. Hawak ito ngayon ng Presidential Commission on Good Government.

Mas malaki raw ang halaga ng ikalawa, ang “Roumeliotes collection”. Animnapung piraso ito na nu’ng siya’y first lady, Metro Manila governor at minister of human settlements ay itinatago ni Imelda sa iba’t-ibang safety deposit boxes sa mga bangko. Sa pagmamadaling tumakas sa gabi ng Peb. 25, 1986, hindi na ito naipon at nailabas patungong Hawaii. May ibang piraso na nasa pag-iingat ng mga amigas ni Imelda: sina Madame Cao Ky, dating first lady ng Vietnam, Dr. Teyet Pascual, at mga mag-aalahas na Liding Oledan, mga Panlilio, at Glecy Tantoco. Nu’ng nasa Hawaii na si Imelda, ipinaipon daw ang mga alahas kay Demetrious Roumeliotes, na Greek high-society hairdresser. Pero nahuli siya sa Manila airport na dala ang maleta ng kontrabando. May nag-tip ng pakana. Kinumpiska ito ng Bangko Sentral.

Ang “Malacañang collection” ay 400 “mumurahing” semi-precious stones, costume jewelry, at Rolex wristwatches. Halagang $154,000 (P7.74 milyon), naka-display ang ilan sa Malacañang Museum.

Show comments