Ang tubig ay buhay

GRABENG kalbaryo sa tubig ang naranasan noong summer. May mga lugar sa Metro Manila na kahit patak ng tubig sa kanilang mga gripo ay wala. Umabot yata sa isa o dalawang linggo na walang tubig. Ngayong lumipas na ang tagtuyot at nakakaranas na tayo ng mga pag-ulan, nadagdagan na ang tubig sa Angat Dam na pangunahing nagsusuplay ng tubig sa Metro Manila. Kahit paunti-unti na tayong naka­kabawi ay ipagpatuloy pa rin natin ang pagtitipid sa tubig.

Kunsabagay, nabawasan na rin ang pangangailangan natin kasi meron tayong ipon na tubig mula sa ulan na puwedeng ipanlaba at menos din tayo sa dilig ng mga pananim. Sana maging aral sa ating lahat ang nangyaring tagtuyot nung nakaraang buwan. Iwasan nating maging bulagsak sa paggamit ng tubig upang sa gayon, pagsapit ulit ng tag-araw ay sagana nang dumadaloy ang tubig sa ating mga gripo. Ganito lang ‘yan, kapag tayo’y may isinuksok ay merong mabubunot di ba?

Lalo na’t tubig ang usapan dito, di ba nga ayon sa mga matatanda ang tubig ay katumbas ng buhay. Walang sinu­mang mabubuhay sa mundo kung walang tubig. Nakita naman natin ang sitwasyon nang nawalan ng tubig ang ilang lugar sa Metro Manila. May mga negosyong nalugi na ang pangunahing ginagamit ay tubig. Kaya paralisado ang mga lugar na nawalan ng tubig.

Merong binubuong Department of Water ang mga mam­babatas at balak isulong ng 18th Congress sa pangunguna ni Rep. Martin Romualdez. Pabor ako sa balak na ito at sana maisabatas para may ahensiyang kakalampag sa dalawang higanteng supplier ng tubig sa Metro Manila at mga karatig lugar.

Magtulung-tulong tayo upang magkaroon ng batas sa tubig. Huwag ipagwalambahala ang tubig dahil mas mabuti pang mawalan ng kuryente ang komunidad kaysa tubig ang mawala.

Show comments