Aksidente

IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - June 30, 2019 - 12:00am

(Part 1)

ANG isang asunto para makakuha ng danyos dahil sa tinamong matinding pinsala dahil sa aksidente sa daan ay tinatawag na quasi-delict o sa latin culpa aquilana na ang ibig sabihin ay isang bagay na ginawa o hindi ginawa na nakapagdulot ng pinsala sa iba dahil sa pagkakamali o kapabayaan ng isa alinsunod sa batas (Article 2176 - Civil Code). Ang tanong sa kasong ito ay ano ba ang itinuturing na kapabayaan o negligence at paano ito papatunayan? Ano ang epekto nito sa biktima at sa pananagutan ng may ari ng kotse kung minamaneho ito ng  iba?

Ang kasong ito ay tungkol sa negosyanteng si Elena na mayroong restawran at dalawang parlor o salon. Isang madaling araw, bandang alas dos ay pauwi na si Elena kasama ang kaibigan na si Yana. Napansin niya na may problema sa mga gulong ng kanyang sasakyan at huminto siya sa parte ng kalsada na may ilaw para tingnan kung ano ang sira. Itinuro ng mga taong nakatambay sa lugar ang gulong niya sa likod na nawalan ng hangin. Dahil malabong makauwi sa kondisyon ng sasakyan ay pumarada siya mga isang metro at kalahati mula sa bangketa. Binuhay niya ang emergency light at kumuha ng mga gamit para ayusin ang gulong.

Nagpakilala sa kanya ang may-ari ng beerhouse sa kabila ng kalsada na si Jerry at nag-alok ng tulong. Ang malas naman ni Elena at nabundol siya ng isang kotseng nakarehistro sa kompanyang ACI na minamaneho ng assistant manager na si Ruben. Tumilapon si Elena sa salamin ng sasakyan at pagkatapos ay bumagsak sa harap nito. Nasagasaan ang kanyang kaliwang tuhod hanggang hita at humiwalay sa kanyang katawan na ang natira na lang ay kaunting laman at buto.  Hinatak at agad siyang dinala sa pinakamalapit na ospital. Napilitan siyang sumailalim sa operasyon para tuluyang putulin ang kanyang binti hanggang hita. Dalawampung araw siya sa ospital at kinabitan na lang ng artificial leg. Sinagot ng insurance ng kotse ang lahat ng bayad sa ospital at sa ikinabit na artificial leg.

Gayunpaman nagsampa pa rin ng kaso si Elena kay Ruben at sa ACI para makakuha ng danyos perwisyos (moral damages/exemplary damages) at tuloy pagbayarin sila sa nawala niyang kita. Isinalaysay niya ang lahat ng nangyari sa kanya sa paglilitis at sinegundahan siya ni Jerry at ng pulis na imbestigador sa kaso.

Bilang sagot ay itinanggi ni Ruben na siya ang may pagkakamali. Nagsampa pa siya ng kontra demanda para sa danyos dahil si Elena pa daw ang nagpabaya. Pumarada daw ang babae sa lugar na bawal. Noong umagang iyon ay pauwi na raw siya galing sa pagbisita sa isang kaibigan. Nasa bandang loob na bahagi raw siya ng kalsada at nasa maingat na pagpapatakbo na 55kph dahil nga umuulan. Siyempre raw ay mahirap makakita dahil sa ulan. May kasalubong daw siyang kotse na 80kph ang takbo at napakaliwanag ng headlights kaya pansamantala siyang nasilaw.

Kumabig daw siya pakanan at sumalpok sa isang paparating na sasakyan pagkatapos ay sa kotse ni Elena na hindi niya nakita dahil napakadilim at walang parking light o kahit anong warning device. Ang puwitang bahagi sa kaliwa ang kanya raw nabangga dahil nakausli at pahambalang na pinarada sa kanang bahagi ng kalsada. Natulak daw ang sasakyan ni Elena at tinamaan pa ang isang kotseng nakaparada din sa bangketa sa harapan nito.  

Matapos ang paglilitis, nagdesisyon ang korte pabor kay Elena at dineklarang si Ruben ang may kapabayaan dahil sa mabilis na pagpapatakbo kahit na lasing kaya dapat siyang managot sa danyos. Pati ang amo ni Ruben na ACI ay dineklarang may kakambal na pananagutan at pareho silang pinagbabayad sa aktuwal danyos sa lahat ng ginastos para sa pagpapakabit ng artificial leg, lahat ng nawalang kita ng mga negosyo ni Elena na restawran at salon pati moral damages, exemplary damages at gastos sa abogado. (Itutuloy)

JOSE C. SISON
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with