Marami pa ring masasamang pulis

MARAMI pa ring pulis ang gumagawa ng masama para magkapera. Sa pagsisiyasat ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group sa pamumuno ni LtCol. Renente Lambojo, nabatid na 2,120 pulis ang sangkot sa masamang gawain. Sinusubaybayan na ang mga kilos nito at ang ilan ay iniimbestigahan na kaya sa mga darating na mga araw, tiyak na may matatanggal sa serbisyo o bubulagta na lamang sa kalye. Ayon kay Lambojo, 504 police officials at 1,616 naman na non-commissioned officers ang kanilang minamanmanan ngayon. Nasa 36% na ang naka­suhan ng robbery extortion at kidnapping. Ito siguro ang mga tiwaling pulis na nanghuhuli ng pushers at users at saka pasusukahin ng pera. May mga pulis na sangkot sa illegal gambling – sila yung mga bookies operator at kolektor sa mga pasugalan.

Sana isama na rito ni Lambojo ang mga pulis na ope­rator ng video karera/fruit games. Malaki ang kinikita ng mga buwayang pulis sa pagpapakalat ng devil machine na pinagtitripan ng mga adik. Ang pinagkakalatan ng mga pulis ng devil machine ay squatters area dahil madaling makahikayat sa mga kabataan at mga adik na maglaro. Ewan ko lang kung may kamandag si Lambojo at walang sasantuhin sa mga pulis. Malaking bagay ang grupo ni Lambojo sa internal cleansing na pinaiiral ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde at National Capital Region Police Office chief MGen. Guillermo Eleazar. Paano magtatagumpay ang pro­grama ni President Duterte sa illegal drugs kung may mga pulis pa rin na lumilinya rito?

Patuloy naman ang pagsalakay ng NCRPO at Philippine­ Drug Enforcement Agency sa mga condominium sa Taguig City. Bukod sa shabu, may ecstacy, cocaine at marijuana na nasasamsam. Sa kabila nito, hindi pa rin nauubusan ng supply ang mga adik. Kaya kung maibabaon sa lupa ang mga pulis na nagpapalaganap ng droga tiyak mapipilay na ang sindikato. Kung sabagay nalalapit na ang pag-upo ni dating PNP chief Ronald “Bato” dela Rosa sa Senado. Babalangkas siya ng batas na magpaparusa ng mas mabigat sa drug pushers. Mabubuhay ang bitay sa termino ni Duterte dahil kay Bato. Sana unahing bitayin ang mga pulis na nasa listahan ni Lambojo. Abangan!

Show comments