EDITORYAL - Investment scam

MARAMI nang nangyaring investment scam sa bansa. Marami nang naloko makaraang i-invest ang kanilang pension pay. Mayroon pang nagpakamatay dahil sa kabiguang mabawi ang kanilang ipinagkatiwalang pera sa lider ng investment group kuno. Iisa ang modus ng mga investment group, kikita ang pera ng 30 percent sa loob ng isang buwan. Dahil sa laki ng payout, marami ang nahihikayat at i-invest lahat ang kanilang pera dahil malaki rin ang pangakong interest. At kung makapagre-recruit pa ng miyembro mas malaki pa raw ang ibabalik na pera. Kaya ang iba, nagahaman at lahat nang pera nila, inilagay na sa grupo. Huli na nang malamang scam ang organisasyon. Ang masakit, nakatakbo na ang pinaka-lider, tangay ang bilyong piso na galing sa mga miyembro.

Pero sa kabila na marami nang nangyaring scam sa bansa, marami pa rin ang nahihikayat na mag-invest. Hindi pa rin nagkaroon ng aral sa mga nangyaring fraud o panloloko sa mga miyembro. Kahit pa nakuhanan ng pera, wala pa ring kadala-dala.

Isang halimbawa ay ang Kapa Community Mi­nistry International Inc., na iniutos ni Pres. Rodrigo Duterte na ipasara dahil sangkot sa illegal investment scam. Noong Martes, sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga opisina ng Kapa dahil sa reklamo ng Securities and Exchange Commission (SEC) na involved ang mga opisyal sa scam at nakapanloko sa mga miyembro ng P50 billion. Ayon sa SEC, nakarehistro ang Kapa na isang religious organization pero taliwas ang mga gina­gawa sapagkat sa investment scheme luminya. Bawat mi­yembro umano ay kailangang mag-invest ng P5,000 hanggang P1 million. Pinapangakuan ng buwan-buwang blessing na katumbas ng 30 percent.

Nang magsalita si President Duterte, hayagan nitong sinabi na investment scam ang Kapa. Nakapagtataka raw na 30 percent ang ibabalik sa miyembro. Kalokohan daw ito sapagkat ang banko ay 3 percent lang ang interest na ibinibigay sa miyembro. Large scale estafa raw ang ikakaso sa mga miyembro ng Kapa at wala itong piyansa.

Matuto na ang mamamayan at huwag magpadala sa malaking payout na iniaalok ng sinuman. Mag-imbestiga muna bago magbitaw ng pera sa isang organisasyon na nangangako nang malaking inte­rest. Huwag isapalaran ang perang pinaghirapan.

Show comments