EDITORYAL - Pulbusin ang Sayyaf

KAYANG lipulin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Abu Sayyaf. Mahihigitan ba ng mga bandidong ito ang kakayahan ng AFP na sa kasalukuyan ay mayroon nang mga modernong armas? Kung pagtutulung-tulungan ang mga bandido, na ayon sa report ay 1,000 na lang ang bilang, malilipol ang mga ito. Kailangang maubos na ang mga ito bago pa umatras ang mga dayuhang investors dahil sa takot na makidnap at mapugutan ng ulo. Malaking sagabal sa paglago ng ekonomiya ang ginagawang pangingidnap, pagpapasabog at pagpatay ng mga bandido na nagsimula pa noong 2000. Marami na silang kinidnap at pinatay.

Huling biktima ng mga terorista ay ang Dutch national na si Ewold Horn. Pinatay ang dayuhan noong Mayo 31 nang magtangkang tumakas habang nakikipagbakbakan ang mga bandido sa mga sundalo sa Bgy. Pansul, Patikul, Sulu. Binihag si Horn noong Peb. 2, 2012 kasama ang isang Swiss national at isang Pinoy sa Tawi-Tawi. Nakatakas ang Pinoy ilang buwan ang nakalipas samantalang ang Swiss ay noong 2014.

Mula nang maupo si President Duterte, ilang dayuhan na ang pinatay ng mga bandido. Noong 2016, pinugutan si Juergen Gustav Kantner, isang German. Humihingi ng P30 million ang mga bandido subalit hindi binigay. Noong 2017, dalawang Canadian ang pinugutan. Ang una ay si John Ridsdel, 68, na hiningian ng P20 milyong ransom subalit hindi nakatupad ang pamilya. Ang ikalawa ay si Robert Hall, 66, na pinugutan din nang hindi rin maibigay ang hinihinging ransom. Si Ridsdel at Hall, kasama ang Norwegian hotel manager na si Kjartan Sekkingstad at Pinay na si Marites Flor ay kinidnap noong Setyembre 21, 2015 habang nasa isang resort sa Samal Island, Davao del Norte. Napalaya naman sina Kjartan Sekkingstad at Marites.

Patindihin ng AFP ang opensiba sa mga bandido para malipol na ang mga ito. Isang malawa­kang pagsalakay ang kinakailangan para masi­gurong pulbos na ang mga mamamatay-tao na labis nang nagbibigay ng problema sa bansa. Kaila­ngang bago matapos ang termino ni Duterte, ubos na ang Abu Sayyaf. Kaya ito ng AFP.

Show comments