Walang pera ang nag-ampon

IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - March 17, 2019 - 12:00am

(Huling bahagi)

SAMPUNG taon mula nang umalis si Aileen para makapagtrabaho sa Italy ay namatay ang kanyang biyenang babae. Ang hipag niyang si Alma ang nagsampa ng petisyon sa RTC para ampunin sina Joy, Ruby at Gela. Ayon kay Alma ay nangibang-bansa si Aileen at nagkaroon ng dalawang anak doon. Wala na raw silang komunikasyon sa babae mula nang umalis siya ng Pilipinas. Idinagdag pa ni Alma na siya ang nagbibigay ng pinansiyal na suporta sa tatlong bata sa pamamagitan ng tulong ng sariling mga anak at kaanak sa ibang bansa.

Kuwalipikado raw siyang pumalit sa kanyang ina at mag-ampon sa mga bata dahil isa siyang biyudang 57 taon na ang edad, isang US citizen na nagtatrabaho bilang serbidora sa isang restawran sa Guam, may sari­ling pamilya na ang kanyang mga anak at may magandang trabaho at kaya lang siya bumalik sa Piiipinas ay para ayusin ang mga papeles tungkol sa kanyang tulu­yang pag-ampon sa tatlong bata. Pumayag din daw ang kapatid niyang lalaki na tumulong sa gastusing pinansiyal para sa tatlong bata habang nasa kanyang panga­ngalaga.

Nilapit ng RTC ang petisyon sa DSWD para gumawa ng case study ang ahensiya at magbigay ng ulat tungkol dito. Dahil walang naging kalaban ay hinayaan si Alma na isumite ng ex-parte ang kanyang ebidensiya sa korte.     Pagkatapos isalang si Alma at makuha ang ulat at rekomendasyon ng Social Welfare Officer ay pinagbigyan ang petisyon. Hindi man lang tumestigo sa korte ang kinatawan ng DSWD. Hindi rin nagpakita ng ebidensiya na hiningi nila ang ayuda o pagpayag ni Aileen. 

Binaliktad ng Court of Appeals ang hatol ng RTC. Una ay hindi raw naipakitang ebidensiya na pumayag si Aileen sa pag-ampon. Ikalawa ay hindi notaryado ng US consul ang dokumentong nagpapakita na pumapayag sa pag-ampon ang mga anak ni Alma na nasa Guam kaya di ito matatanggap na ebidensiya. Kinuwestiyon ni Alma ang desisyon at umakyat sa Supreme Court. Hindi na raw importante kung pumayag si Aileen dahil inabandona nito ang mga anak. Idagdag pa na may sapat siyang pera na buhayin ang mga bata.

Pareho pa rin ang naging hatol ng SC. Ang pinakaimportante daw sa kaso ng adoption ay ang kapakanan o interes ng bata at ang karapatan ng kanyang mga magulang sa bata kaya importante na pumayag sila sa pag-aampon. Hindi matatawaran ang kahalagahan ng kasulatan na katibayan na pumapayag sila sa pag-aampon.

Magkaiba ang sabihin na inabandona ang bata at iniwan lang pansamantala. Puwedeng basehan ang pag-iwan sa bata para ampunin siya ng iba.  Pero ang ilagak sila sa pangangalaga ng iba ay hindi masasabing pag-abandona sa kanila.

Sa kaso ni Aileen, nang umalis siya patungong Italy ay hindi niya intensiyon na putulin ang relasyon niya sa mga anak. Napilitan lang siyang umalis dala ng kahirapan sa pera. Kinakausap pa rin siya ni Joy tungkol sa mga personal na problema nito. Patuloy din siyang nagpapadala ng pera sa mga bata kahit pa nga mas maliit ang ibinibigay niya kumpara sa kanyang mga biyenan. Taliwas din sa layunin ng batas kung aalisan ng karapatan ang magulang sa kanyang anak dahil lang sa pera.

Isa pa, hindi sinumite sa korte ang mga salaysay nina Aileen at ng kanyang mga anak kundi basta lang ipinakita sa korte. Mahalaga ang testimonya nina Aileen at ang pagmamarka ng mga dokumento at hindi magkakaroon ng importansiya ang mga papel maliban at patunayan ng mga testigo.    

Ang pinakaimportanteng konsiderasyon din sa pag-ampon ay ang kapakanan ng batang aampunin. Dapat ay nasa posisyon ang mag-aampon para buhayin ang bata. Sa kaso ni Alma ay 57 taong gulang na siya at nagtatrabaho lang bilang isang part-time waitress. Nakakapagduda na kaya niyang gastusan ang pagpapalaki sa tatlong bata sa ibang bansa (Landingin vs. Republic, G.R. 164948, June 27, 2006).  

JOSE C. SISON
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with