Matutuloy na

MATUTULOY na ang groundbreaking ng Metro Manila Subway project, isa sa mga malalaking proyekto ng admi­nistrasyon sa ilalim ng “Build, Build, Build”. Tinatayang P227 bilyon ang proyekto, kung saan magpapahiram ang Japan International Cooperation Agency (JICA) ng P45 bilyon. Ang subway ay magmumula sa NAIA hanggang Quirino Avenue, na may 13 stations. May mga koneksiyon din sa MRT at LRT. Kauna-unahang tren na tatakbo sa ilalim ng lupa.

Matagal nang plano ito, dahil karamihan ng mga ma­lalaking siyudad ay may sistema ng tren na tuma­takbo sa ilalim ng lupa. Nahuhuli na nga ang Pilipinas sa lara­ngang ito. Sa Metro Manila, kailangan na kailangan talaga ang subway, dahil sa sama na ng trapik. Kapag matapos ang proyekto, malamang ay maraming hindi na magda­dala ng sasakyan. Inaasahan na matatapos sa 2025.

Dahil sa ilalim ng lupa ang trabaho, inaasahan na hindi magiging sagabal sa trapik, tulad ng ilang proyekto sa iba­baw ng lupa. Maliban na lang siguro sa ilang lugar na ka­ilangang ipasok o ilabas ang mga kagamitan. Gaga­mitin ang mga Tunnel Boring Machines (TBM), na manggagaling din daw sa Japan. Sana nga ay matuloy na. Noong 1973 ay may plano na palang ganito, ayon sa Wikipedia. Kung natuloy ay tapos na sana noong 1988. Sayang at hindi tinu­loy noon, para sa anumang dahilan. Binabaha raw kasi ang ilang lugar, kaya ang LRT ang unang isinagawa.

Isipin na lang kung matapos ito ay madali nang bumi­yahe mula NAIA patungong Quezon City at pabalik. Kung matapos ito, may ilang pinaplanong bahagi patu­ngong Bulacan at Cavite. Magbabago ang anyo ng Metro Manila. Sana matuloy na rin ang tren mula Metro Manila patungong Clark International Airport, para mapakinabangan ang airport doon at mabawasan ang pasahero sa NAIA.

Show comments