Pagkalason sa pagkain

HUMINGI na ng paumanhin ang isang kilalang bakery, matapos makunan at mailagay sa social media ang napakalaking daga na nasa lagayan mismo ng mga tinapay. Matagal nasa tray ang daga, at tila hindi natakot sa mga kumukuha ng video. Siguro dahil nasa loob siya ng saradong tindahan at may salamin sa pagitan nila. Ang tanong, saan pa kaya naglakad ang daga sa loob ng bakery? Pero siyempre, kapag umabot na sa social media, maraming paliwanag ang kailangang gawin ng kumpanya. Sino ba naman ang may gusto ng tinapay na tinabihan na ng daga? Humingi na ng paumanhin sa mamamayan, at nangakong hindi na muulit. Pag-aaralan din ang kanilang mga pamamaraang kontra-peste.

Naaalala ko muli ang isang insidente noon, kung saan marumi naman ang ilalim ng tasa ng kape ng isang kainan. Siyempre, nakita na lang ng parukyano noong nainom na lahat ng kape. Ang hinala ay dumi ng daga. Nabansagang “dagapuccino” o “dagapupuccino”. Humi­ngi rin ng paumanhin ang kainan, dahil umabot na nga sa social media, pero unang itinanggi ng manager na dumi ng daga. Pinasuri pa para malaman. Nataon na reporter ng ABS-CBN ang customer. Ilang araw din naospital ang biktima. Ano kaya kung wala pang social media? Aminin kaya ng mga kainan na marurumi ang kanilang paligid o pinaghahandaan ng pagkain pati kagamitan, o magiging arogante sa nagrerekla-mong customer? Mabuti at iba na rin ang panahon ngayon.  

Sa Valencia, Spain, nabasa ko kailan lang ang isang kainan na may isang Michelin Star – o karangalan ng mataas na kalidad na kainan -- ang isinara na muna ng may-ari, matapos mamatay ang isang parukyano habang 29 naman ang nakaranas ng “food poisoning” matapos kumain sa nasabing kainan. Inaalam pa ng mga otoridad kung ano ang dahilan ng pagkalason ng mga biktima, dahil mataas nga ang kalidad umano ng kainan. Ito ang dahilan kung bakit dapat malinis ang kainan, pati ang mga empleyado na naghahanda ng pagkain, kahit nabigyan na ng parangal.

Ayon sa WHO, “1 sa 10 tao sa buong mundo ang nagiging biktima ng pagkalason sa pagkain, at 420,000 ang namamatay dahil dito”. Hindi biro ang malason sa pagkain, lalo na sa mga bata. Mga handaan kung saan karaniwang spaghetti na maraming kamatis na mabilis mabulok ang isang halimbawa. Dahil mainit din ang panahon, mas mabilis mapanis ang pagkaing hindi inalagaan.

Show comments