Bomba

SA lumang henerasyon, yung inabot pa ang pulitika nung panahon ng martial law, iba ang pamantayan kapag paninira o pagsaboy ng putik sa entablado ang usapin. Noo’y talagang nagtitimpi ang mamamayan at malamang sa hindi na ika’y makulong kapag magsalita kontra sa admi­nistrasyon. Kung kaya kapag may matapang tapang na magtalumpati tuwing may pamiting o caucus, basta bumira ito laban sa nakapuwesto, tiyak na bentang-benta na ito sa mga nakikinig.

Kahit pa sabik ang publiko sa mga pangontrang pana­naw, lalo na kung laban sa abusadong pamamahala, hindi pa rin kumportable ang Pilipino na makarinig o ma­kasaksi ng hayagan at personal na paninira. Kahit pa pampublikong larangan ang mga political rally, para sa mayorya ng Pilipino, hindi nabubura ng okasyon o lokasyon ang mga alituntunin ng kagandahang asal na dinikdik sa ating pagkatao ng mga nakatatanda. Maaring may mangilan-ngilang matutuwa sa negatibong pangangampanya. Subalit pihadong higit na marami ang nasusuya sa ganitong bulok na istilo.

Hindi kailangang manira ng kapwa para lamang makalamang. Binibigyan natin ng panahon ang mga kandidato na makisuyo dahil nga interesado tayong malaman ang kanilang maiaambag para sa kapakanan ng lahat. Walang mabu­ting mapapala kung tanging paninirang puri ang kaya nilang ialok. Ni hindi ito maituturing na katapangan. Tapang bang maitatawag ang manaboy ng putik at sayangin ang pagkakataon upang ipaalam sa madla ang iyong paninindigan? 

Kaya tama ang desisyon ng Hugpong Ng Pagbabago (HNP) na grupo ni Mayor Sara Duterte-Carpio na huwag patulan ang kabastusan ng mga kalaban nilang kandidato na panay insulto at akusasyon ang nalalaman. Huwag na silang bumaba sa lebel ng mga desperadong kandidato na nagtatagumpay lamang bilang halimbawang hindi dapat tularan. 

Ang pagbira sa kampanya, kung tawagi’y Bomba, ay magiging mitsa ng pagsabog. Huwag lang mabigla kung sa huli ay ang mismong nag-itsa ang siya ring sasabugan. 

Show comments