Empleyadong nag-post sa Facebook, sinibak sa trabaho!

KASALANAN bang mag-post sa Facebook? Krimen bang maituturing ang pagpost ng hinanakit at sama ng loob ng isang empleyado sa sarili nitong online account?

 Sa tagal namin sa larangan ng public service, nga­yon lang nakakita ang BITAG ng kaso ng empleyadong sinibak dahil sa kanyang Facebook post.

Analisahin natin, pinapasok ang empleyado ng Linggo na hindi naman talaga niya regular na pasok at kasalukuyang bumabagyo. Ina ang empleyado at inobligang pumasok ng araw na ‘yun ng 7:00 ng umaga. Na-late siya ng kalahating oras kaya’t sinabon siya pagdating ng opisina. Sa ngitngit ng empleyado, nagpost siya ng Facebook status na “Grabe ang amo ko, pinapapasok ako kahit Linggo.”

Eh sino ba naman kasi ang hindi sasama ang loob? Ang Linggo ay araw ng pahinga at oras para sa pamilya, maski sa Bibliya may tinatawag na Sabbath Day – araw ng pamamahinga. Hindi robot ang mga empleyado, kaila­ngan nating lahat ng tamang pahinga para babalik sa hanap­buhay ng ganado at recharged. Sabi ko nga, anong klaseng kompanya at amo ba ito? Wala bang magawa kaya nagpa­pasok na lang ng mga tao?

Wala man lang kunsiderasyon sa kunsumisyong kanyang dinulot. Akala mo naman napakatindi ng ginawa at hindi na binigyan ng warning o due process man lang. Sibak agad! Labag ba sa protocol ng kompanya ang mag-post sa personal na Facebook account? Kung ipinangalandakan siguro ng isang empleyado ang mga confidential information ng kanyang pinapasukan, mauunawaan ko pa.

Pero ‘yung paglabas ng sama ng loob na hindi naman paninira kundi personal na nararamdaman ng isang tao ang tinutukoy, kagaguhan ng employer na manibak dahil dito. Mismong National Labor Relations Commission (NLRC), sang-ayon na illegal dismissal ang naganap. Aniya, wala sa labor code ang pag-express ng pakiramdam o opinyon sa Facebook bilang grounds for dismissal. Parang tinanggalan mo na ng freedom of expression ang tao. Malaki ang parte ng teknolohiya sa buhay ng tao. Lalo na ngayon, kahit mga matatanda, dutdot nang dutdot sa cellphone screens.

Sadyang kumag na may pagka-balat sibuyas lang itong employer. Dahil din sa buwisit na post sa Facebook, nakalkal tuloy ang bahong tinatago ng employer. Mababang pasahod, walang bayad ang overtime at walang 13th month pay, kumanta tuloy ang iba pang nagngingitngit niyang empleyado.

‘Yung isa, inirereklamo na kinuha raw ng kompanya ang kanyang cell phone. Kinuha siguro para ‘di na gumaya at makapagpost. Kung kayo’y amo, ito’y mga feedback at reaksyon mula sa mga tao sa ibaba. Kapag nakita ang ganitong kamalian, ituwid. Ang mga manggagawa, talagang magsasalita kapag nadehado. Kung okay ang trato mo sa’yong tao, natural walang magrereklamo. 

Ganito rin ba ang employer n’yo? ‘Wag nang mag-atubili. Takbo na sa nag-iisang pambansang sumbungan, BITAG-Kilos Pronto!

Show comments