Kung anu-ano ang puwedeng pagkakitaan

TALAGANG kung ano ang puwedeng pagkakitaan, baga­ma’t iligal, ay magagawa ng tao. Nagbabala ang MMDA sa mga magnanakaw ng manhole covers at traffic barriers at cones, o yung mga kulay orange na plastic na pinang­haharang ng kalsada, na kakasuhan sila. Kinikilo ang mga bakal na takip sa mga junkshop. Ang mga harang naman ay ninanakaw nang walang dahilan kundi para ipagyabang lang siguro. Malaking peligro ang mga bukas na manhole, bukod sa perwisyong trapik. Nakakasira ng sasakyan ang mga mahuhulog, at mas lalong peligroso sa tao kapag gabi na at tumatawid. Kung hindi makita na wala na palang takip, malubhang masa­saktan. Kapag tinakpan naman ng mga steel plates ang mga butas, pati ito ay ninanakaw na rin. Aminado rin kasi ang MMDA na hindi nila nababantayan lahat ng kanilang kagamitan.

Sa Laguna naman, sampung tao ang inaresto dahil sa kanilang pagputol ng mga bahagi ng riles ng tren. Ganun din, ibebenta ang mga bakal na riles sa mga junkshop. May nakapansin sa kanilang ginagawang pagputol gamit ang acetylene, at pinaalam sa mga pulis. Hindi na ginagamit ang riles na ito, pero hindi pa rin ito dahilan para kunin na lang ang mga riles at pag-aari pa ng gobyerno. Pinag-aaralan din umano na buhayin ang ruta ng tren, kaya kailangan pa rin ang mga riles.  

Pero kung pera sa basura ang iniisip, hindi mo kaila­ngang lumayo pa. Katatapos lamang ng Traslacion. At tambak-tambak na basura na naman ang iniwan ng mga deboto. Taon-taon na lang ay ganito ang problema, na daing ng gobyerno at mga grupong nagbabantay ng kalikasan. Hindi talaga matututo ang karamihan na magtapon nang maayos. Pero kung maiipon ang lahat ng plastik na bote, lata ng softdrink at mga karton at papel, malaking pera na iyan at binibili rin ng mga junkshop ang mga iyan por kilo. Sigurado ako may nakikinabang rin sa tone-toneladang basura na nakolekta noong Traslacion. Pero panahon na rin na matuto ang Pilipino ng recycling, at hindi lang basta-basta itinatapon lahat.

Show comments