‘Puslit’ nu’ng panahon ni Bonifacio sa aduana

MERON nang smuggling sa pier ng Maynila nu’ng pana­hon ni Andres Bonifacio. Clerk siya sa aduana (Customs), tagalista ng mga papasok at palabas na kalakal, halaga, at karampatang buwis nito. Sangkot siya at si Jose Rizal sa dalawang kakaibang uri ng “puslit”.

Pebrero 1888: Pagsampa sa barkong Don Juan sa Tondo­ patungo sa Hong Kong, kinilatis ni Rizal ang mga kawani. Hanap niya’y Tagalog na mapagkakatiwalaan, at tila ‘yun si 19-anyos na cabin boy Perfecto Rufino Riego. Paglayag ng barko, kinaibigan ni Rizal ang tubong Marinduque. Alam ni Riego ang panganib sa buhay ni Rizal bilang kalaban ng mga abusadong Kastila. Patungo noon si Rizal sa kilusang reporma sa Uropa.

Matapos ang mahabang palagayan ng loob, pumayag si Riego sa maselang misyon. Sa Hong Kong tumungo sila sa bahay ng mayamang Pilipinong si Jose Ma. Basa. Haha­kutin niya ang limang sako na may tig-50 kopya ng bawal na nobelang Noli Me Tangere. Pagbalik sa Maynila, isasakay niya ang isang sako sa kalesa patungong Binondo. Doon iiwanan niya ang kutsero -- kunwari’y may mahalagang babalikan sa barko. Dahil hindi babalik si Riego, maiinip sa kahihintay ang kutsero at iuuwi ang sako. Hahalungkatin ang laman nito, matatagpuan at babasahin ang libro, at palihim na ipapamahagi sa mga kamag-anak at kaibigan. Uulitin ito ni Riego sa iba pang kutsero sa Santa Ana, Sampaloc, at iba pang distrito ng Maynila.

Tagumpay ang misyon. Kumalat nga ang Noli. Sinabi ito ni Paciano Rizal nang makipagkilala kay Riego sa pantalan.

Hulyo 1892: Pag-uwi ni Rizal sa Maynila, agad niyang tinatag ang La Liga Filipina kasama sina Bonifacio, Apolinario Mabini, atbp. Agad ikinulong ng Guardia Civil si Rizal sa Fort Santiago, at makalipas ang siyam na araw ay ipinatapon sa Dapitan. Sa barkong Don Juan ipinuslit ni Boni­facio si Emilio Jacinto para tulungan si Rizal na tumakas. Hindi sumama si Rizal. Muli ipinuslit ni Bonifacio si Jacinto paalis.

Show comments