Kalokohan sa MPD di-uubra kay Danao

KUMABOG ang dibdib ng mga pulis sa Manila Police District sa pagsulpot ni S/Supt. Vicente Danao, kilalang trustedman ni President Rodrigo Duterte at namuno sa Davao police. Hindi uubra ang mga kalokohan sa Manila’s Finest dahil matagal na palang pangarap ni Danao na pamunuan ang MPD. Kaya maging ang media na komokober sa panggabi ay nahirapang kumuha ng mga report dahil kailangan munang naka-inquest ang mga akusado, nahuhuling drug offenders at namatay sa pakikipaglaban sa mga pulis kontra droga, hehehe! Nagiging magaspang din ang sagot ng ilang pulis sa mga tanong ng reporters dahil naka-zipper ang kanilang bunganga sa pagsasagot tungkol sa police report.

Talagang ganon ang buhay ng media, hindi lahat ng coverage ay maganda ang nagiging sistema at pagtrato ng mga pulis. Subalit hanggang kailan kaya sila magtitiis sa ganitong kalagayan. Kung si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Dir. Guillermo Eleazar ay naging malapit sa media dala marahil sa wala siyang pa­­tumpik-tumpik na kasagutan sa pagtatanong ng kaga­napan sa kanyang nasasakupan. Maituturing kong walang tinatago si Eleazar sa taumbayan kaya walang iniiwasang media personalities sa lahat nang oras.

Kung sabagay hindi ko naman masisisi si Danao dahil bago pa lang naman siya sa MPD at hindi pa niya kapado ang kilos ng mga pulis. Marahil kinakapa pa niya ang mga ugali at galaw ng mga ito para masigurong di siya maiiwang tulala at masipa sa puwesto. Sa totoo lang mga suki, halos domoble ang huli ng 11 presinto ng MPD sa pagpapatupad ng city ordinance kaya nag-uumapaw na ang mga kulungan sa ngayon. Patunay lamang ito sa pursigido ang mga pulis ni Danao na ipatupad ang ordinansa ng lungsod dahil ito ang ugat ng mga rambulan at patayan sa pagsapit ng dilim. Ngunit kung ikukumpara ko sa mga nagdaang MPD director, mukhang malayo pa si Danao pagdating sa kampanya kontra droga, patunay ‘yan na di pa niya naipatutupad ang kamandag niya noong nasa Davao pa siya. Di ba mga suki?

Ang masakit nito, hindi paman umiinit ang kanyang puwit sa MPD, may gumagasgas na agad sa kanyang magandang pangalan. Kalat na kalat na ngayon ang paglilibot nina Boy Wong, Buboy Alquiroz at Alex Navarette sa mga pasugalan at putahan. Maganda naman sana ang resulta nito dahil nagsarahan ang mga bookies ng karera na matagal nang problema sa lungsod ni Mayor Joseph Estrada subalit kung moro-moro lang at nagpapataas lamang ng intelihensiya hindi ito maganda sa Manileños. Di ba Sir Danao? Ang kailangan kasi ngayon ay todong kampanya laban sa mga ilegalista at hindi para sa bulsa. Lumalabas na hinahabol ng mga ito ang P600k weekly para makopo nila ang koleksiyon sa mga ilegalista! Wala naman akong naririnig na di kuntento ang Manileños sa paghihigpit ni Danao sa mga pulis ngayon, mas gusto nga nila ang katapangan ni Danao upang mapagbago ang mga anay sa imahe ng Manila’s Finest. Hayan Sir Danao, may clue ka na. Abangan!

Show comments