Amnestiyang legal

BINAWI ni President Duterte ang amnestiya na ibinigay ni dating President Aquino kay Senator Trillanes. Ayon sa administrasyon, hindi raw nag-apply si Trillanes ng amnestiya at hindi umamin na mali ang kanyang panggugulo, kaya walang silbi ang amnestiya ni P-Noy. Pero ayon kay Trillanes, bakit daw siya bibigyan ng amnestiya, kung hindi siya nag-apply at umamin ng pagkakamali?

Tila siguradong-sigurado ang administrasyon sa kaso kay Trillanes. Ayon kay DOJ Sec. Menardo Guevarra, ilang taon na raw pinag-aaralan ang kaso. Bakit kaya? Dahil matinding kritiko siya kay Duterte? Kaso lang ba niya ang pinag-aaralan na ng ilang taon, kahit marami silang nakibahagi sa Oakwood Mutiny at Manila Peninsula siege? Humingi na nga ng warrant of arrest para sa kanya sa korte sa Makati. Pati ang militar ay nais siyang arestuhin para humarap sa court-martial. Tila napaka­bilis nilang kumilos. Sana ay ganyan sila kabilis para hulihin si Peter Lim.      

Pero unti-unti nang lumalabas ang depensa ni Trillanes. Ipinakita ni Magdalo Representative Gary Alejano ang desisyon ng korte sa Makati na ibinasura na ang mga kaso laban sa kanila ni Trillanes, dahil sa amnestiya ni P-Noy. May YouTube video rin si Trillanes na nag-aapply ng amnestiya noong 2011. May news clips kung saan inamin niya ang kanyang pagkakamali.

Sa kasalukuyan, nasa Senado si Trillanes. Ayon kay Senate President Sotto, hindi siya puwedeng arestuhin habang nasa Senado. Kailangang igalang daw ito. Siguradong kinakalap na ang lahat ng dokumento na magpapatunay na ligal ang amnestiyang ibinigay. Ang hawak lang ng ad­ministrasyon ngayon ay ang salita ni Duterte na ayon sa ilang abogado at mambabatas, hindi sapat para bawiin ang amnestiya. Kailangan ay may desisyon din ang Kongreso. Ibi­nigay nga ng Kongreso noon ang amnestiya kay Trillanes at mga kasama. Kailangang patunayan ng gobyerno ang mga akusasyon kay Trillanes. Siguradong babantayan ang isyung ito. Tila ang nais lang ay ipakulong ni Duterte ang mga kritiko niya, tulad ni Senator De Lima.

Show comments