Patok na komedyante sa Senado

ANG hindi ko maintindihan kung bakit ibinoto ng mga senador si Sen. Tito Sotto na maging Senate President.  Kung ayaw nila sa pagiging malamya ni Sen. Kiko Pimentel ay marami namang ibang pagpipilian tulad nila Richard Gordon o kaya ni Sen. Migs Zubiri di ba?  May mga laman ang tuktok.  Hindi porke’t matagal nang nagsilbi bilang senador ay malawak na ang kaalaman sa pamumuno sa senado.

Naalala ko tuloy kung paano ipinahiya ni Sotto si dating Health Sec. Judy Taguiwalo nung hearing sa Commission on Appointment (CA) na isa siya bilang hurado. Hindi na nagpatumpik-tumpik pa, ginawa na niyang joke ang mga tanong samantalang seryoso dapat dahil hindi basta-basta ang inaaplayang posisyon ni Taguiwalo.  Para sa akin kung ikaw ay isang komedyante ilagay naman sana sa tamang lugar.  Ihiwalay ito sa trabaho.  Sa tingin ko tuloy, hindi ka-yang iwan ni Sotto ang kanyang pagiging komedyante dahil dala niya ito hanggang sa Senado.

Ngayon kailangan niyang ligawan ang kanyang mga kapwa senador para sa isinusulong niyang con-ass.  Sige nga, tingnan natin kung kaya niyang mapasagot ng oo ang mga senador na ayaw sa con-ass.  Kaya, kaya niyang idaan sa biro ang mga ito?  Ang alam ko kung ipipilit nila ito sa Senado ay mapapahiya lang sila dahil hindi pa man ay supalpal na ang federal system of government na gusto nila.  Ito ay plano ng pinatalsik na House Speaker Pantaleon Alvarez.  Alam ng lahat si President Digong ang promotor, pinaubaya lang sa kanyang mga tao.  Ang masasabi ko lang sayang ang oras at panahon.

Dito natin makikita ang galing ni Sotto.  Magpakitang gilas siya kay President Digong na kaya niyang ipasa sa Senado ang isinusulong nilang federalism.

Show comments