MRT-3: P17-B inuutang kamukha ng ZTE scam

HINDI maipaliwanag ng Department of Transportation. Bakit sila umuutang sa Japan ng P17 bilyon pang-rehabilitate sa MRT-3, miski nagturing na ang Japanese giant Sumitomo Corp. na gawin ‘yon sa halagang P7.5 bilyon. Ang laki ng pagkaiba: P9.5 bilyon.

Kinausap ni U-Sec. for Railways TJ Batan ang Japan International Cooperation Agency (JICA). Io-overhaul at imementena sa loob ng 31 buwan ang riles, 73 bagon, signaling, power supply, mga istasyon, kasama ang ele­vators, escalators, depot, repair yard, at kagamitan. Ipata-trabaho raw nila ito sa Sumitomo, na nagtayo ng MRT-3 nu’ng 1998-1999 at nagmentena nito nu’ng 2000-2012.

Pero dalawang beses nang nag-alok ang Sumitomo sa DOTr na i-rehab ang commuter railway sa halagang P7.5 bilyon lang. Ipinaabot ‘yon kay Sec. Arthur Tugade nu’ng 2016 at 2017 ng Metro Rail Transit Corp., ang pri­ba­dong owner-builder ng MRT-3. Pareho ang scope of work, bagamat mas mabilis na 26 buwan ang pangako ng Sumitomo.

Ang halos P10-bilyon dagdag ay katulad ng ZTE scam na in-expose nu’ng 2007. P17 bilyon din ang pa­utang ng China Exim Bank. Magtatayo ang Chinese telecom ZTE Corp. ng national broadband network sa hala­gang P7 bilyon. Pero, pinatotoo ng whistleblowers sa Se­nate investigation, may “tong-pats” o overprice na P10 bilyon. Nasangkot ang noo’y First Couple, Comelec chairman, opisyales ng transportasyon-komunikasyon, at naghaharing partido. Hindi maawat ng noo’y-NEDA secretary ang kanilang kasakiman. Umano’y nag-abot ang ZTE ng $10 milyon para lang mapapirmahan ang kon­trata kay Pres. Gloria Arroyo nang hatinggabi sa Boao airport, Hainan. Sa tindi ng alingasngas binawi niya ang kon­trata. Mga Pilipino sana ang magbabayad ng P10-bilyong kickback. Sumunod ang pagsakdal at paglilitis. Pati US Congress intelligence committee inusisa ang ZTE. Sangkot ito sa panunuhol sa 18 bansa para maka-kontrata.

Show comments