Tinodas ang kumpare

(Huling bahagi)

KINAUMAGAHAN matapos ang insidente, natagpuan ni Gio ang bangkay ni Tony pagbalik niya sa kanilang bahay. Umaagos ang dugo sa kanang bahagi ng noo ni Tony. Nabagsakan din ng natumbang puno ang bahay. Kaya pagbalik niya sa bahay ni Leonard ay humingi siya ng tulong sa lalaki pati na rin sa ibang kapitbahay para maipalibing ang bangkay ni Tony. Matapos mailibing ang lalaki ay pumirmi pa sila sa bahay ni Leonard hanggang sa matapos ang siyam na araw na novena. Dumating si Maita at dinala naman sila sa ina ni Tony na si Linda sa ibang bayan.

Pagkatapos ng tatlong buwan at ang masusing pag-iimbestiga ng mga pulis ay kinasuhan ng murder si Leonard dahil sa ginawa kay Tony. Inabot din ng dalawang taon bago siya naaresto sa bisa ng warrant ng hukuman.

Sa paglilitis ay naging pangunahing testigo sina Gio at Libay. Tumestigo rin ang medico-legal ng NBI at ipinaliwanag ang mga bali sa iba’t ibang parte ng katawan na siyang dahilan ng pagkamatay ni Tony na mula sa tama ng isang matigas na bagay tulad ng kahoy. Pero inamin din nito sa cross-exam na puwedeng ang pagbagsak ng biga ng bahay ang naging dahilan ng mga sugat na tinamo ni Tony.

Sa kanyang depensa, sinabi ni Leonard na hindi siya umalis ng bahay nang mabagsakan ng puno at maipit sa bahay si Tony noong bumabagyo na siyang ikinamatay nito. Nang dumating nga raw sina Gio, Libay, Jecel at Tiya Raquel ay tinanggap niya ang mga ito at pinayagan na tumira sa kanyang bahay. Dalawang magsasaka at ang katiwala ng hacienda ang sumang-ayon sa kanyang sinasabi. Pero bandang huli ay inamin nila na mga kaibigan sila ni Leonard. Palusot pa ni Leonard ay wala naman siyang motibo para patayin si Tony.

Pero hinatulan pa rin si Leonard ng habang buhay na pagkabilanggo para sa pagpatay kay Tony. Mas pinaniwalaan ng korte ang mga testigo ng prosekusyon kesa sa kuwento ni Leonard. Isang indikasyon din na may sala siya dahil sa ginawa niyang pagtakas at pagtatago sa loob ng dalawang taon para makaiwas sa pag-aresto.

Kinatigan ng Supreme Court ang hatol ng mababang hukuman nang awtomatikong iakyat ang apela. Napatunayan na mas kapani-paniwala ang mga testimonya ng prosekusyon.  Kahit pa may kaunting hindi pagkakatugma sa mga detalye ay hindi nabawasan ang kredibilidad nila bilang testigo. Hindi kailangang patunayan kung ano ang motibo ni Leonard sa pagpatay kay Tony, importante lang naman na mapatunayan ang motibo kung hindi kilala ang salarin. Sa kasong ito, positibong itinuro nina Gio at Libay si Leonard na siyang humambalos kay Tony habang natutulog. Kinumpirma ng medico-legal na ang mga hampas at palo ang naging sanhi ng pagkamatay ni Tony. Dahil nagkasala si Leonard ay tama lang na makulong habang buhay pero ang danyos ay dapat itaas sa ?12,000.00 (People vs. Sales, G.R. 29340, April 27, 1972).

Show comments