ePayment program ng DFA

UPANG maiwasan ang mga reklamo sa pagkuha ng passport, isinusulong ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ePayment na ang layunin ay dagdagan ang kanilang kapasidad sa pagtanggap at pagproseso ng pass­port applications. Sa ePayment program, ang mga aplikante ng passport ay kinakailangang magbayad ng processing fees sa itinalagang payment centers, sa pamamagitan ng debit at credit cards o over-the-counter transactions sa piling banko.

Sinabi ni DFA Sec. Allan Peter Cayetano na hindi lamang magiging convenient para sa aplikante ang naturang programa dahil puwede silang magbayad ng application fees saan mang lugar sa bansa at kahit anong oras. Higit sa lahat, madadagdagan ang kapasidad ng kanilang DFA consular offices sa pagtanggap ng mga aplikante ng passport. Isinulong ang ePayment program dahil 60 to 65 percent lang sa mga applicants ang sumusulpot sa consular offices. “With ePayment, we expect that no-shows in our consular offices will be significantly reduced, if not totally eliminated. By prepaying, applicants are encouraged to show up lest they forfeit their passport processing fee,” ani Cayetano.

Sa programang ito tiyak maiiwasan na ang mga reklamo­. Kampante si Cayetano sa tagumpay ng prog­rama dahil sa ePayment test sa DFA Aseana sa Parañaque, umabot sa 94-97 percent ang show-up rate nito kumpara sa dating 60-65 percent. Siyempre, kung 100 percent ang show-up rates, ibig sabihin mas mara­ming aplikante ang mapagsilbihan ng DFA kada araw. Sa ePay­­ment program, mawawala na ang fixers at scammers dahil bayad na ang mga aplikante bago tumungo sa DFA office. Ang appointment ay hindi puwedeng ipasa sa iba kaya ang appointment slots ay hindi puwedeng ibenta. Ang mga aplikante ay puwedeng magbayad sa Bayad Center, EcPay Pera Hub, Robinsons Business Center and Department Store, Walter Mart Department Store, 7-Eleven, USCC Western Union at Villarica Pawnshop.

Ayon naman kay Assistant Secretary for Consular Affairs Frank Cimafranca na ang ePayment protal ay unang ipatutupad sa DFA Aseana Consular Office ngayong Hunyo bago ipatupad ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa Agosto. Nagbukas na ng consular offices ang DFA sa Tacloban City, Ilocos Norte at Isabela kaya’t maraming passport applicants na ang makikinabang sa ePayment program ng DFA.

Show comments