China naman ang Magpuproteksiyon

HUMAHANGA ako sa Vietnam. Nang lumabas ang balita na naglagay na ng anti-ship at anti-aircraft missiles ang China sa tatlong nilikhang isla, agad naglabas ng pahayag ang Vietnam sa China na tanggalin ang mga ito, at huwag ipagpatuloy ang militarisasyon ng karagatan dahil banta lang sa kapayapaan. Noong Linggo naman, ilang turista mula sa China ang dumating sa Cam Ranh International Airport at nang tanggalin nila ang kanilang mga jacket, may suot palang mga t-shirt kung saan nakaimprenta ang kanilang Nine-Dash Line na mapa ng karagatan.

Hindi umano natuwa ang mga opisyal ng imigrasyon ng Vietnam kaya kinumpiska ang mga suot na t-shirt. Nang kumalat ang balita, may mga nanawagan na i-deport na sila. Lahat ‘yan ay naganap kahit may kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa. Ganyan ang Vietnam. Pumapalag. Pero rito sa Pilipinas, imbis na igiit ang ating pag-aangkin sa mga teritoryo sa South China Sea, ang naririnig lang mula sa Presidente ay kung gaano tayo walang kalaban-laban sa China, pati na ang hindi kapani-paniwalang pahayag na hindi raw papayag ang China na matanggal siya sa posisyon. Mga sundalong Chinese na ba ang nasa PSG?

May reaksyon ang pahayag na ito mula sa ilang sena­dor. “God help the Philippines” ang pahayag ni Sen. Panfilo Lacson. Ang sinasabi ba ni Duterte ay kung may mga kilos para tanggalin siya ay darating na lang ang mga sundalo ng China para bigyan siya ng proteksiyon? Akala ko ba ay isang “sovereign nation” ang Pilipinas, na iginigiit ng administrasyong ito kapag may pahayag ang EU o sinoman tungkol sa madugong kampanya kontra iligal na droga? Pero kapag China, wala nang isyu ang “sovereignty”, kaya ganyan din lang ang malambot na posisyon ng administrasyon pagdating sa South China Sea? At wala bang tiwala sa AFP para bigyan siya ng proteksiyon? Akala ko ba kampante ang Presidente sa katapatan ng PNP at AFP? May banta ba sa kanyang posisyon at China naman ang magbibigay sa kanya ng proteksiyon? Hindi ba insulto sa AFP iyan?

Show comments