Mga maaksaya sa Malacañang

ANI Presidente Rody Duterte, alingasngas pa lang ng katiwalian, sisibakin na niya ang opisyal. Kung ganun, malamang maraming matigpas sa tatlong ahensiya sa ilalim mismo ng Office of the President. Katatapos pa lang ng pagsusuri ng Commission on Audit sa kanilang gastusin nung 2017. Ipinaskil ito sa COA website.

l National Youth Commission - natuklasan na nagbayad ang NYC ng P3.55 milyon para sa umano’y “highly technical” consultants. Ito raw ay gumawa ng Sangguniang Kabataan operations manual, training modules, Philippine Youth Development Plan 2017-2022, monito-ring at evaluation, at website. Pero ang sisti, kulang ang papeles ng paghirang ng mga umano’y consultants. Walang approved procurement plan, walang purchase request, walang bidding, walang notice of award, walang billing statements, walang progress reports, walang project completion report -- at ni walang curriculum vitae ng mga consultants. Hindi tuloy malaman kung totoong “highly technical” sila.

Labis din ang di-awtorisadong lamon sa NYC. Gumasta ng P296,968.30 para sa umano’y 126 na miting. Pero ni walang pirmadong Notice of Meeting o Office Order, walang listahan ng mga dumalo -- at walang official receipts. Nakasulat-manok lang ang kinain at halaga sa kung anong papel. Sakop ito ng COA “guidelines on irregular, unnecessary, excessive, extravagant, and unconscionable expenses.”

  l Governance Commission for Government-owned and - controlled Corporations - imbes na punuan ang 20 bakanteng posisyon, komontrata ang GCG ng 47 consultants. Mahigit doble ang nadagdag na personnel. Nadagdagan tuloy ang gastos nang P15.62 milyon.

 l  Presidential Legislative Liaison Office - umupa ang PLLO ng siyam na consultants, halagang P3.07 milyon. Pero ang trabaho nila ay pareho lang ng mga datihang managers. Sa suweldong P30,000-P60,000 kada buwan, tila kinopya lang ng consultants ang ginawa ng managers.

Show comments