‘Merry-go-round’ sa Gabinete

HINDI matatawaran ang naging kontribusyon ni dating DOT sec. Wanda Teo sa Duterte administration. Lumago ang turismo, maraming naakit na turista upang bisitahin ang ating bansa. Ang higit sa lahat ay ang pagganap ng Miss Universe pageant habang si Teo ang nasa pwesto. Medyo tagilid nga lang ang kanyang naging kapalaran dahil nagkaroon ng problema ang kanyang kampo at Commission on Audit (COA).

Para sa akin tama ang naging desisyon ni Teo dahil unti-unti na ring nakakaladkad ang pangalan ng kanyang mga kapatid. Meron na rin tayong mga kababayan na nanawagan na lisanin niya ang kanyang puwesto. Iba talaga kapag pera ang naging issue at dito nadale si Teo, hindi naging malinaw ang kanyang paliwanag tungkol sa P60 million DOT ad na nilagay sa programa ng kanyang kapatid.

Kunsabagay hindi rin nagkamali si President Digong sa napiling kapalit ni Teo sa DOT. Si Bernadette Romulo-Puyat ay matagal ng ring nagsilbi sa gobyerno kaya madali na lang para sa kanya ang pag-aralan ang bagong posisyong iniatang sa kanya. Sana lang ay ipagpatuloy ang mga naumpisahan ni Teo sa DOT upang tuluy-tuloy ang paglago ng turismo sa ating bansa.

Ang masasabi ko lang iwasan na sana ni Digong na muling ibalik sa puwesto ang kanyang mga tinanggal at nag-resign na Gabinete. Usung-uso ngayon na balik-puwesto nag-iba lang ng departamento. Parang “merry-go-round” ang nangyayari di ba? Diyan kinabibiliban nang marami si Digong, walang kai-kaibigan at kaalyado para sa kanya, naniniwala ako na kapag nakaamoy siya ng korapsiyon ay hindi niya ito pinalalampas. At ang maganda dito inuunahan na siya ng kanyang mga tao, nagkukusa na silang mag-resign di nila hinihintay na patalsikin sila sa puwesto.

Show comments