Hindi dapat pagbawalan

NAGING palaisipan ang paghigpit ng Malacañang sa media kahapon, Labor Day. Ilang oras ding hindi pinapasok sa Palasyo ang mga miyembro ng Palace Press Corps.

 Ang mga ganitong limitasyon sa malayang pamama­hayag ay sadyang mahirap unawain. Nakaukit hindi lamang sa Saligang Batas kung hindi rin sa ating kultura at kasaysayan ang transparency and accountability. Ano mang oras ay maaring isailalim sa pagsusuri ang ikinikilos ng ating mga namamahala.

 Doble pa ang pag-ingat na mabigyang laya ang press kapag mismong ang Pangulo ang sinusubaybayan. Mala­king bahagi ng ibabalitang kaganapan sa lipunan ay sa Malacañang nagmumula. Kapag pinosasan ang media, sarado na rin ang tulay ng pag-unawa sa mga patakarang may epekto sa atin. At kapag ang pagunawa’y mawala, paanong hindi rurupok ang tiwala ng tao sa kanyang gobyerno?

 Tila nagkahawa hawa nga ang pagtrato sa Press ng ating mga mataas na kagawaran ng gobyerno. Maging ang Batasan, sa mababang kapulungan nito, ay may kontrober­syal ding pagpahirap na ginawa sa media. Sa inilabas ka­makailan ng House Rules on Media coverage, tinakda ng ating mga kongresista na tanging ang mga mamamaha­yag na walang masamang naisusulat tungkol sa House ang papayagan nilang mag-cover sa House. 

Walang lugar sa isang malayang lipunan ang ganitong paghihigpit. Ang ating mga lingkod bayan ay dapat laman ng balita. Wala silang karapatang mamili ng kung anong iba­balita. Sa isang demokrasya, ang Press ang siyang may independienteng pag-iisip upang ilarawan ang mga pag­kilos ng ating opisyal sa paraang dapat nating malaman at intindihin. Kapag ang kalayaang ito ay pinakialaman, ano pa ang kinaiba sa mga rehimen noon at sa ibang bansa na tinaguriang mga diktadurya?

 Maaring masaktan ka sa isinusulat tungkol sa iyong performance bilang opisyal. Ok lang yan at kapag tapat ang paglingkod at malinis ang iyong konsiyensiya, sapat na dapat itong gamot sa paghilom sa iyong sama ng loob.

Show comments