EDITORYAL - Ituloy ang jeepney modernization

NAGBABANTA pa ang transport group Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) na magsasagawa pa sila nang malaking jeepney strike hangga’t hindi binabago ng pamahalaan ang kanilang plano ukol sa phaseout ng mga jeepney. Hiling nila ay rehabilitasyon at hindi phaseout. Kapag na-phaseout ang mga jeepney, saan kukuha ng ipakakain sa kanilang pamilya ang mga kawawang driver? Mamamatay sila sa gutom.

Noong Lunes ay nagsagawa ng jeepney strike ang Piston at sinabi ng lider nito na si George San Mateo na 90 percent na tagumpay ang kani­lang ginawa. Ibig sabihin, marami ang tutol sa phaseout at gusto nilang isantabi na ito ng pamahalaan. Ang strike na ginawa noong Lunes ay pang-apat na mula noong Pebrero 2017 at magsasagawa pa umano sila ng mga strike. Wala raw makakapigil sa kanila na mag-strike. Binatikos din ni San Mateo si President Duterte at sinabing ang mga mahihirap lamang daw na grupo ang kaya ng pamahalaan. Pinalulusot ng pamahalaan ang mga mayayamang drug lord na gaya ni Kerwin Espinosa.

Matagal nang plano ang jeepney modernization. Panahon pa ni P-Noy nang ito ay ipanu­kala. Tutulungan naman ng pamahalaan ang mga maliit na drayber at operator para makabili ng modernong jeepney na Euro-4 compliant. Ang mga bagong jeepney ay environment-friendly. Walang usok. Hindi katulad ng mga kakarag-karag na jeepney na nagbubuga nang maitim na usok na nagdudulot ng pollution at dahilan para magkasakit ang mamamayan. Mga sakit sa respiratory system ang nakukuha sa maruming hangin.

Huwag matakot sa banta ng transport group, ituloy ang modernization. Huwag nang ipagpaliban ito. Palitan na ang mga karag-karag na jeepney at pati walang disiplinang mga drayber.

Show comments