Pasok sa WPP?

MATAPOS ibasura ang kaso laban kina Peter Lim at Kerwin Espinosa, kahit inamin pa ni Espinosa na siya ay isang drug lord na kumikita ng milyon-milyon at nagbibigay na suhol na milyon-milyon din, ganito ang isusunood ng DPJ. Pasok na si Janet Lim-Napoles sa witness protection program (WPP) ng DOJ. “Provisional coverage” lang daw, kung ano man ang ibig sabihin niyan. Hindi ba ang maaaring maipasok sa WPP ng DOJ ay ang pinaka maliit ang sala? Hindi ba si Napoles ang tinaguriang utak sa likod ng pinakamalaking scam sa bansa – ang PDAF scam – na nasa sampung bilyong piso ang halaga? Bakit siya naman ang naipasok sa WPP?

Sa PDAF scam na iyan, napakulong sina Sen. Jinggoy Estrada, Bong Revilla at Juan Ponce-Enrile dahil sa kanilang kinasangkutan sa nasabing scam. Ngayon, malaya na si Juan Ponce-Enrile, dahil sa “humanitarian reasons” pero nakikita natin na malakas pa rin at sasama pa nga sa prosekyusyon laban kay Chief Justice Sereno kapag natuloy na ang impeachment sa Senado. Si Jinggoy Estrada ay pinalaya na rin. Hindi ako magta­taka kung si Bong Revilla ay mapalaya na rin.

At hindi ako magtataka kung biglang may pahayag si Napoles ngayon laban sa mga kilalang kritiko ng admi­nistrasyong o oposisyon. Hindi nga ako magtataka kung ituro ni Napoles isa-isa ang nakaraang administrasyon, at walang ituro sa administrasyon ni Arroyo na kaalyado nila ngayon. Ito malamang ang dahilan kung bakit ipinasok sa WPP. Lahat ng ginawa para mahuli at mapakulong ang mga sangkot sa scam na ito ay tila malalaya na. Iyan din ba ang dahilan kung bakit kating-kati ang administrasyong ito matanggal sina Chief Justice Sereno at Ombudsman Morales?

Nasaan ang mga naniwalang si Napoles ang nasa likod ng PDAF scam? Nasaan na ang mga boses nila? Tulad ba ni Harry Roque na nagbago na nang husto ang katayuan sa International Criminal Court dahil sa partidong pulitka na kinasasapian ngayon? Ngayon, maniniwalang hindi siya ang utak sa PDAF scam?

Show comments