Tanggalin na ang ban sa Kuwait

UNFAIR naman yata para sa iba nating OFWs na nakatalaga sa Kuwait ang ban na ipinatupad ng gobyerno. Oo nga’t maraming mga kababayan natin ang nakaranas ng mga hindi kanais-nais na pagmamaltrato sa kanilang mga amo mula sa mga house hold workers lamang. Kunsabagay hindi rin natin masisisi si Pres. Digong na i-total ban ang pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait dahil sa mga sunud-sunod na pangyayari sa mga OFW at may mga namatay pa nga.

Huwag naman na sanang patagalin pa ang ban sa Kuwait sapagkat karamihan sa mga ito ay nawawalan ng trabaho, ang ibang employers ay hindi na nire-renew ang kontrata nila. Kung sana’y may sapat na trabaho rito sa ating bansa hindi na sana maiisipan ng ating mga kababayan na makipagsapalaran sa ibang bansa. Alam ko na mas gusto nating manirahan sa sa­riling bayan pero dahil sa hirap humanap ng trabaho at maliit lang ang pasuweldo kaya mas gugustuhin pang makipagsapalaran sa ibang bansa upang matugunan ang pangangailangan ng pamilya.

Sa pagkakaalam ko mababait ang mga Kuwaiti. Tulad din dito sa ating bansa hindi naman pare-pareho ang ugali ng tao. Isang halimbawa rito sa atin ang mga pulis. Meron mga pulis na gumagawa ng kabulastugan at ang nasira ay buong PNP. Kaya sana maisip din ng mga pinuno ng ating bansa ang kalagayan ng mga OFW na nakikiusap na sila’y pabalikin na sa Kuwait. Tama rin naman ang sinabi ng iba sa kanila na hindi kayang pantayan ang pinapasuweldo sa kanila sa ibang bansa.

Sana bawiin na ni President Digong ang ban sa mga OFW sa Kuwait. Ang lahat naman ng hindi pagkakaintindihan ay nadadaan sa magandang usapan.

Show comments