EDITORYAL - Nag-apruba sa MRT-3 deal, dapat panagutin

TINATAYANG 500,000 pasahero ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) ang araw-araw na nagdurusa dahil sa palpak na maintenance provider nito. Mula pa 2015 ay nagkaroon na nang maraming aberya ang MRT-3 at kung nakakamatay lamang ang masasakit na salita mula sa mga pasahero, baka namatay na ang mga dating opisyales ng Department of Transportation and Communications (DOTC).

Sa panahon ni P-Noy naaprubahan ang bilyong pisong kontrata ng maintenance provider Busan Universal Rail Inc. (BURI). Kabilang sa nag-apruba ng deal ay si dating DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya at 10 iba pa kasama ang mga kinatawan ng BURI.

Noong Lunes, pormal nang kinasuhan ng graft and corruption sina Abaya sa Office of the Ombudsman. Ang nagsampa ng kaso ay si DOTr Usec. for legal affairs Atty. Rainier Yebra.

Lumalabas na inaprubahan nina Abaya ang contract sa BURI sa kabila na wala itong joint venture agreement na isang paglabag sa Republic Act 9184. Nakita rin na walang kakayahan ang BURI bilang maintenance provider sapagkat wala itong 15 years na tuluy-tuloy na experience sa nasabing larangan. Ganunman, mas pinili ito sa kabila na walang kakayahan.

Nakasaad din sa complaint sa BURI na sa loob ng tatlong taon nito bilang ng maintenance provider, pawang aberya ang nangyari sa MRT-3. Madalas ang technical glitches nito dahil mahina ang maintenance. Tatlong taon ang kontrata ng BURI na magtatapos pa sa 2019.

Kinawawa ang commuters ng MRT-3 dahil walang kakayahan ang BURI sa kabila na bina­yaran ng bilyong piso. Nasayang ang pera ng taumbayan dahil puro aberya ang nangyari. Nara­rapat managot ang mga may kasalanan sa pag-apruba sa MRT-3 maintenance deal.

Show comments