Batas: Pagpapatupad bakit ba matamlay?

NAGALIT ang mga senador sa isang hearing kamakailan, nang matuklasan nila na hindi pa winawasak ang 890 kilos ng shabu na nakumpiska sa San Juan, Metro Manila, nu’n pang Disyembre. Ayon sa batas, dapat lusawin ang shabu sa loob ng 72 oras mula sa pagkasabat nito -- para hindi ma-recycle ng mga tiwaling opisyales. Pero hindi ito natupad sa kaso ng 890 kilo ng shabu sa San Juan dahil nagkasakit ang huwes na dapat nag-utos ng pag-wasak, at nakalimutan na kuno ng NBI at Philippine Drug Enforcement Agency ang kontrabando na nakatabi sa bodega nila nitong nakaraang sampung buwan.

 Hindi ang batas ang problema dito, kundi tao na nagpapatupad. Pinupuri ng mga ibang bansa ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 bilang isa sa pinaka-masusi ang pagbalangkas. Pero salaula ang mga awtoridad sa pagpapatupad nito. Sayang!

Sa pag-raid ng Customs nu’ng Mayo sa bodega na pinagtaguan ng 604 kilo ng smuggled na shabu, sablay din sa pagpapatupad ng batas. Hindi nakipag-koordina ang Customs sa PDEA. Tapos, kinalkal pa ang umano’y nasabat na droga. Dahil sa sablay na procedures, baka hindi tanggapin sa korte ang kaso at ebidensiya.

Isa pang batas na mabangis ang pagkakasulat pero malamya ang pagpapatupad ay ang Anti-Hazing Law. Ayon sa batas dapat ipinapaalam sa magulang ang pagsapi sa college fraternity, at binabantayan ng school authorities ang initiation rites. Ito’y para maiwasan ang bugbugan at pagpapahiya ng neophytes. Kapag may nasaktan, nabalda, o napatay, dapat isinasangkot din ang may-ari o tagapamahala ng bahay o gusali na pinagdausan ng hazing. Pero meron pa ring napapatay sa initiation rites dahil sa bugbog. Bakit? Kasi malamya ang pagpapatupad ng mga kolehiyo sa batas. Pinalulusot din ng mga pulis, prosecutors, at huwes ang mga may-ari ng pinagdausan.

Kung mahigpit ang batas, matatakot ang lalabag -- simple, di ba?

 

Show comments