EDITORYAL - Solusyunan, air pollution sa Metro

ANG Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang may responsibilidad para maging malinis ang hangin sa buong bansa. Sa kasalukuyan, malala na ang problema sa air pollution. Sa kabila na mayroong Clean Air Act of 1999, hindi pa rin nasolusyunan ang air pollution at lalo pang dumami ang lumalason sa hangin na nagdudulot ng pagkakasakit sa respiratory system. Maraming magkakasakit at malaking pera ang kakailanganin para pantustos sa mga pampublikong hospital.

Ang DENR mismo ang nagsabi na ang mga sasakyan ang numero unong nagdudulot ng grabeng pollution sa Metro Manila. Walumpong porsiyento umano ng emissions ay galing sa mga tambutso ng sasakyan. Ang maruming usok mula sa tambutso ang nalalanghap ng kawawang commuters araw-araw. Nakalantad sila sa particles na may lason.

Maski si Pres. Rodrigo Duterte ay naaalarma na sa grabeng air pollution sa Metro Manila kaya nagbigay na siya ng ultimatum sa mga operator ng jeepney na may edad 15 taong gulang pataas na alisin na ang mga ito sa kalsada. Masyado na raw ang air pollution na dulot ng mga bulok na jeepney kaya sa Enero 2018 ay wawalisin na ang mga ito. Hindi raw siya nagbibiro. Nagmura pa ang Presidente sa sobrang pagkainis sa mga yumayaot na bulok na jeepney.

Nasa kamay ni DENR Sec. Roy Cimatu ang paglilinis ng hangin sa Metro Manila. Alam namin na may kakayahan siya at kaya niya itong solusyunan para makalanghap ng sariwang hangin ang mamamayan.

Kung kami ang tatanungin para masolusyunan ang air pollution, ipagbawal ang mga bulok na sasakyan. Alisin ang mga ito sa kalsada.

Ipagpatuloy ng DENR ang kampanya laban sa smoke belching. Ipagbawal ang pagsunog sa mga basura na nakaaapekto sa pagkabutas ng ozone layer. Ipagbawal ang paggamit ng incinerators.

Kung masosolusyunan ang air pollution, makalalanghap ng sariwang hangin ang mga susunod na henerasyon.

Show comments