Martial law Digong style

KUNG ilang beses na natin narinig kay President Duterte na hindi siya magdedeklara ng batas militar. Pero huwag siyang pipiliting ideklara ito. Kung ilang ulit namutawi sa bibig niya ang mga salitang iyan.

Hindi puwedeng rason ang droga para magdeklara ng martial law dahil ito’y pangkaraniwang krimen. Sa ilalim ng batas, puwede lang magdeklara ng batas militar sa kaso ng insureksyon at rebelyon. Ang pananalakay ng mga Maute, tulad nang nangyari sa Marawi ay puwede marahil iklasipikang rebelyon bagamat ito’y puwedeng pagdebatihan. Kung si Marcos ay nag-martial law dahil sa rebelyon at insureksyon, si Duterte ay nag-martial law sa buong Mindanao nang dahil sa terorismo. May nagsasabing “overkill” ito. Pero dun sa mga apektado sa Mindanao, lalu na sa Marawi, tama lang ito. Base sa mga balita, malakas ang puwersa ng Maute terror group sa pamumuno ng dating Abu Sayyaf chief Isnilon Hapilon. Tanggapin natin ang martial law kung makatutulong sa pagsupil sa sitwasyon. Pero dapat maging mapagmasid dahil puwedeng abusuhin, hindi man ng Pangulo, kundi ng mga nagpapatupad nito. Sa ilalim ng batas, iti­natakda na hanggang 60-araw lang puwedeng mag-martial law at ang Pangulo ay kailangang gumagawa ng pag-uulat sa Kongreso.

Pero sa labi mismo ng Pangulo, naririnig natin na ma­aari pa niyang palawigin ito ng isang taon o higit pa. Maaari ding ideklara sa buong Pilipinas kung kailangan. Alergic na ang tao sa martial law. Pero papaano kung magkaroon ng senaryo ng mga panliligalig ng terorista? Paano kung umabot dito sa Metro Manila? Magkakaroon ng rason ang Pangulo para ideklara ang batas militar sa buong bansa. Kung nakapag-moro-moro ambush ang noo’y defense secretary na si Juan Ponce Enrile, di ba puwede ring gumawa ng sarili senaryo ang administrasyon? Ahh..ayoko munang isipin. Dasal ko lang, huwag mangyari ito.

Show comments