Martial law na, sa Mindanao, muna

SINALAKAY ng Maute Group ang Marawi City kaya nakahanap ng dahilan si Pres. Rodrigo Duterte na magdeklara ng martial law sa Minda­nao. Ilang beses na rin siya nagbanta noon na ga­gawin niya ito, na agad namang kinontra ng ilang grupo at sektor, partikular mga nakaranas ng mga kasamaan at pang-aabuso noong panahon ng martial law sa ilalim ni Marcos. Pero ngayon, sa pananaw ni Duterte, ito ang solusyon para masugpo ang terorismo sa nasabing lugar.

Agad ngang bumalik ng bansa si Duterte mula sa kanyang opisyal na pagdalaw sa Russia. Hindi na niya natapos ang apat na araw, para maasi­kaso ang nagaganap na krisis sa Marawi City. Ilang sundalo na rin ang namatay sa bakbakan. May mga unang balita na 13 ang namatay sa Maute Group. Kulang na kulang iyan. Kung puwede lang, maubos na ang mga teroristang iyan.

Kailangan pa ring magpaliwanag ni Duterte sa Kongreso kung bakit siya nagdeklara ng martial law. Pero dahil kaalyado naman niya ang Kongreso, hindi magiging problema ito. May mga ulat na pinag-iisipan na rin kung magdedeklara na rin ng martial law sa Visayas, o sa buong bansa. Baka mas mahirap nang ipaliwanag kung isasa­ilalim ang buong bansa sa martial law. Binanggit pa na gagayahin daw ang martial law na ginawa ni Marcos. Sa mga nagsasabing hindi gagawin ni Duterte ang magdeklara ng martial law, ito na at nagaganap na. Hati na ang opinyon sa pagdeklara ng martial law. Hindi naman daw kailangan kung kontrolado naman ng militar ang sitwasyon.

Dumaan na ang bansa sa martial law at hindi maganda ang naging karanasan. At dahil may kasaysayan na nga ng mga kasamaan ng martial law, hindi na dapat maulit. Nangako naman ang AFP na walang magaganap na pang-aabuso, parti­kular sa paglabag sa karapatang pantao. Sana nga, at hindi nga maganda ang imahe ng administrasyong ito sa aspetong iyan, hindi ba? Kung ang pag-atake ng Maute Group ang dahilan, dapat lang maubos na sila.

Show comments