Salamat na lang

BALITA ang pagtanggi ng gobyerno sa tulong-pinansiyal mula sa European Union (EU). Ang dahilan daw ay para hindi magamit ang mga tulong o ayuda na iyan para makialam sa pananakbo ng gobyerno, partikular sa kampanya kontra iligal na droga at mga isyu hinggil sa karapatang pantao. Madalas pinupuna ng EU ang madugong kampanya ng administrasyong Duterte, at pinaaalalahanan ang pagrespeto sa karapatang pantao, isyu na madalas kinaiinisan ni Pres. Duterte. Mukhang kumilos na nga siya, at sinabing hindi na kailangan ng tulong ng EU, lalo na ngayon at tila kumabig na naman nang malalaking pangakong pinansiyal mula sa China. Salamat na lang siguro.

Agad namang nagsalita ang Palasyo na kaya ginawa ito ay dahil may mga kundisyon ang tulong-pinansiyal mula sa EU. Sa madaling salita, ang gustong tulong ng administrasyon ay walang kundisyon. Pero mas marami ang hindi nagustuhan ang desisyon, na sa huli ay maaa-ring makasama sa bansa. Ang mga tatanggap sana ng tulong-pinansiyal na iyan mula sa EU ay mga proyekto sa Mindanao, partikular sa mga mahihirap. Kabalintunaan nga naman. 

May mga nagsasabi na hindi naman natin kailangan ang tulong nila. Nagiging mayaman at malakas na bansa na ba tayo, dahil nga sa paglapit ni Duterte sa China? Tila sinasabi na may bagong kaibigan na ako, kaya wala na akong kailangan sa inyo. Ito nga ang sabi ng ambassador ng EU sa Pilipinas, na inabisuhan sila matapos makakuha ng pangako mula sa China sa halagang bilyun-bilyong dolyar, sa katatapos lang “One Belt, One Road” summit sa Beijing. May mga nagbibiro na baka naging probinsiya na rin tayo ng China. Ayon naman kay Socioeconomic Planning Secretary Pernia, hindi raw ito opisyal na patakaran ng gobyerno, kaya baka bawiin naman daw ni Duterte ang desisyon na ito, dahil kilala nga siya sa mga ganitong biglaang pahayag, dahil sensitibo nga raw siya. Hindi pa natin masasabi kung ano ang magiging epekto nito sa bansa. Pero para sabihan ang isang malaking grupo na hindi na kailangan ang kanilang tulong, malaki at makapangyarihan na nga siguro ang Pilipinas. Ano kaya ang iniisip ni dating senador Edgardo Angara, na kailan lang ay itinakdang special envoy to the EU? Siya ang haharap sa EU, para ipaliwanag ang bagong katayuan ng gobyerno.

Show comments