Pabor na lang lahat sa China?

MATINDING pagkabahala at dismaya. Ito ang reaksiyon ng China sa ginawang pagdalaw ni Defense Sec. Delfin Lorenzana at AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año sa Pag-asa Island noong Biyernes. Magsasampa raw sila ng “reklamo” sa bansa. Ang ginawang pagdalaw ay kontra raw sa kasunduan na pag-uusapan nang maayos ang mga isyu, at ang kasalukuyang magandang relasyon ng Pilipinas at China. Hindi talaga naghintay nang matagal ang China para maglabas ng reaksyon.

Magtataas ka talaga ng kilay sa reaksiyon ng China. Ano ba ang ginawa ng Pilipinas? Dumalaw lang ang Defense secretary, kasama ang pinaka-hepe ng AFP, sa isang isla na matagal nang hawak ng bansa. Nagbanggit lang na aayusin ang paliparan at pagagandahin ang lugar para mapuntahan din ng mga Pilipino. Dahil dito, nababahala at nadidismaya na ang China?

Ikumpara naman natin sa mga ginawa na ng China sa mga islang inaangkin nila. Naglikha ng isla. Nagtayo ng mga istraktura na sa ngayon ay malinaw na pangmilitar. Naglagay na ng mga sandata, kasama rito ang eroplanong pandigma at missiles. At ngayon, sila pa ang may matinding pagkabahala at dismaya?

Malinaw na hindi talaga patas makiusap ang China. Ayaw nila ang anumang kilos na magpapatibay sa pag-aangkin ng ibang bansa sa mga isla, pero kapag sila naman ang nasisita, walang pakialam ang buong mundo. Hindi na nga itinuloy ni Pres. Rodrigo Duterte ang planong pagdalaw sa Pag-asa, pero pati pala secretary at heneral ng Pilipinas ay hindi rin dapat magtungo roon?

Ano naman kaya ang magiging reaksyon ng Pa­lasyo? Sasabihan ba ang China na ang pinuntahan ay teritoryo naman ng Pilipinas kaya wala dapat isyu? O pagagalitan sina Lorenzana at Año dahil ginalit nila ang China? Ang gusto ba ng China ay walang magtungong opisyal ng gobyerno kahit saan sa karagatan, pero kapag sila, puwede lahat? Kailangan nang mag-isip ang administrasyong ito kung ano ang katayuan sa isyu ng South China Sea at tila pabor na lang lahat sa China.

Show comments