‘Deadly water’

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

PARANG TUBIG ngunit ang epekto ay hindi para patirin ang iyong uhaw kundi ang sirain ang iyong mga lamang loob.

“Gusto kong mapanagot ang pinanggalingan ng kemikal na yan. Hindi ko akalain na yan pa ang magiging dahilan kung bakit nawala ang asawa ko,” ayon kay Eddie.

Mga alahas na gawa sa silver ang kalimitang binibili ng kanilang pamilya. Kapag nangingitim ang mga ito ay nililinis nila upang magbalik sa dating kulay at magmukhang bago.

Hindi akalain ni Eddie na ito ang pag-uugatan ng kanyang pagdurusa sa pagkawala ng kanyang asawa.

Nakaramdam ng pananakit ng ulo (migraine) ang asawa ni Eddie na si Geraldine Ubal kaya nagmadali itong kumuha ng tubig. Ang isang baso na nakita niya ang dali-dali niyang kinuha at sinalinan ng tubig para makainom.

“Aksidente niyang nakuha yung may silver cleaner na baso at dinagdagan ng tubig. Sa pagmamadali niya yun ang nainom,” sabi ni Eddie.

Hindi nila akalain na ang malimit naman nilang gamitin ang maglalagay sa kanyang asawa sa kapahamakan.

Kwento ni Eddie may suki raw silang bilihan ng mga silver jewelry sa Quiapo. Isang Intsik ang may-ari nito. Kilala na silang mag-asawa sa tindahan na yun.

Nang makaramdam ng pananakit ng tiyan ang misis niya agad na nilang dinala sa ospital.

Inobserbahan pa ang kanyang misis sa ospital.

“Sinubukan naming agapan ang kalagayan niya pero kinabukasan Setyembre 8, 2016 binawian na siya ng buhay,” salaysay ni Eddie.

Nakalagay daw sa ‘medico-legal certificate’ ng pasyente na sanhi ng ikinamatay nito ay ‘silver cleaner ingestion, multiple organ failure’.

Sa pagkakaalala ni Eddie naglinis pa ng mga alahas na silver si Geraldine bago ito makainom ng silver cleaner.

Aminado naman si Eddie na siya mismo ang bumili ng silver cleaner sa Quiapo.

“Napakadaling bumili ng kemikal sa kanila. Wala man lang silang pormal na resibong ibinibigay sa mga kostumer. Kapirasong papel lang ang iniaabot,” ayon kay Eddie.

Hindi niya raw akalain na ang simpleng panlinis na ito ang magi­ging dahilan ng pagkamatay ng kanyang asawa.

Ilang araw matapos mailibing ang misis niya nagbalik si Eddie sa tindahang pinagbilhan nila ng kemikal. Binati pa raw siya ng may-ari.

“Bumili ulit ako sa kanila ng panlinis na yun. Nung maiabot na sa ‘kin pinaalam ko sa kanila na namatay ang asawa ko dahil sa kemikal na ibinebenta nila,” wika ni Eddie.

Dati raw nag-aabroad ang kanyang misis at katulong niya sa pag buhay sa kanilang limang anak.

Mag-isa na lamang niyang itataguyod ang mga bata ngayon. Maagang naulila ang kanilang mga anak dahil sa nangyaring insidente.

Ang gusto ni Eddie ay mapanagot ang pinanggalingan ng kemikal na nabili sa kung anumang paraan.

“Nung nagpunta ako sa kanila at muling bumili ng silver cleaner binuksan ko yun sa harapan nila. Itinapon ko at ibinuhos ko yun at sinabing yun ang pumatay sa misis ko,” salaysay ni Eddie.

May dala daw siyang cell phone ng mga panahong yun at nakunan ng video ang nangyari.

May CCTV din daw na nakakabit sa bawat kanto ng tindahan kaya’t lahat ng mga nangyayari sa tindahan ay nakikita dito.

“Pati nung pagpunta ko nung Agosto meron makikita rin sa CCTV nila,” sabi ni Eddie.

Hindi matanggap ni Eddie na dahil lamang sa napagkamalang tubig ng kanyang misis ang panlinis ng mga alahas ay mamamatay ito sa ganung paraan.

Sa kanyang pagkakaalam ay ipinagbawal na ang pagtitinda ng nasabing kemikal dahil ilang tao na rin ang napabalitang namatay dahil sa produktong ito.

Ang iginigiit ni Eddie wala man lang raw tamang paraan ng pagpapaalala ang tindahan tungkol sa ibinebenta nila at walang maayos na resibo ang ibinibigay sa kanilang mamimili.

“May magagawa ba ako para mapanagot ang pinanggalingan ng kemikal?” pahayag ni Eddie.

Nais humingi ni Eddie ng payo kung anong maaari niyang gawin at kung may tao ba siyang mapapanagot sa hindi magandang resulta ng pagbili nila ng silver cleaner

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, dapat maging mai­ngat tayo sa pagluluto o sa mga bagay na iniinom natin o ng ating pamilya.

Ihiwalay ang mga nakamamatay at ilagay sa lugar na hindi basta-basta maaabot ng mga bata o kahit ng mga matatanda.

Minsan nang nanyari ang aksidente tungkol sa milk tea ngayon naulit na naman.

Sa bawat bote o lalagyan ng nakalalason na likido siguradong may nakasulat na isang babala.

Yung pagsakit ng ulo ni Geraldine  ay sintomas na naapektuhan na siya ng amoy ng silver cleaner dagdagan mo pa na painumin ng diretso ng silver cleaner ay hindi nga mabubuhay yan.

Susunugin nito ang lahat ng dadaanan magmula sa iyong lalamunan papunta sa iyong bituka at sa iyong mga organs tulad ng liver, kidney at magkakaroon ng ‘multiple organ failure’.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Show comments