EDITORYAL - Sentro ng droga at krimen ang Bilibid

ANG New Bilibid Prison (NBP) at iba pang kulungan sa bansa ay itinayo para ma-rehabi­litate o ma-reporma ang mga bilanggo at nang maihanda sa muli nilang pagbabalik sa lipunan sa panahon ng paglaya. Pero kabaliktaran ang nangyayari sa mga bilangguan ngayon particular na sa NBP. Nakaka-shock ang mga revelation ng mga mismong bilanggo sa NBP nang tumestigo sila sa hearing ng Kongreso ukol sa pagkalat ng illegal drugs sa pambansang piitan. Ibinunyag ng mga bilanggong testigo na kapalit ng proteksiyon, nagbibigay sila ng milyong piso sa mga matataas na opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) at mismo kay dating Justice Secretary at ngayo’y senador Leila de Lima para gamitin sa pagkandidato sa 2016 elections. Halos lahat ng mga bilanggong testigo ay itinuturo si De Lima. Ginawang centralized ang paglikom ng pera mula sa droga sa Bilibid. Pinabulaanan naman ni De Lima ang mga akusasyon.

Bukod sa droga, malaya ring naipapasok ang alak, baril, cell phone, gadgets at iba pang mga gamit. Sabi ng isang bilanggong testigo, ang kanyang kuwarto sa kubol ay talo pa ang isang kuwarto sa five-star hotel. Sa testimonya ng mga bilanggo, lumalabas na namumuhay sila nang ma­rangya at tila nasa “laya” sapagkat nagagawa ang anumang ibigin. Iyon ay kung mayroong maibi­bigay na pera sa mga matataas na opisyal ng NBP at iba pang maiimpluwensiyang tao.

Totoo man hindi na sangkot si De Lima sa drug deal sa NBP, ang isinasagawang imbestigasyon ng Kongreso ay isang magandang daan para isa­gawa na ang totoong paglilinis sa pambansang bilangguan. Nabunyag na ang mga kasamaang nangyayari sa loob kaya dapat na pag-ibayuhin ang pagreporma sa NBP. Kung hindi magsasagawa ng paglilinis, balewala lang ang imbestigasyong isinasagawa.

Madaliin din naman ang paglilipat ng NBP sa Nueva Ecija o ang mas maganda, sa isang isla ili­pat para hindi na maulit ang pagkalat ng droga at iba pang krimen. Hindi dapat ipagwalambahala ang nangyayari sa NBP na mismong mga bilanggo na ang nagbunyag.

Show comments